MALAKI palang tulong na mai-update natin ang mga personal information sa Meralco. Bakit ‘ika n’yo? Ito kasi ang magiging daan para makapagpadala ng message alert ukol sa power interruption schedules, at panahon ng kalamidad o sakuna tulad ng baha, bagyo, lindol, mga nabuwal na puno at mga kable para tayong mga customer ay tulungang makapaghanda at maging ligtas.
Kaya kung ako sa inyo, i-update na ninyo ang mga personal information ninyo. Napakadali lang naman. Sa pagkuha ng latest bill nyo may kalakip iyong Customer Information Sheet na puwede na ninyong isulat ang lahat ng contact information tulad ng cellphone at landline numbers at email address. Kahit nga ang usernames ninyo sa inyong mga social media account tulad ng Facebook at Twitter ay maganda ring paraan para malaman ang mga bagay-bagay sa Meralco.
Sa pag-update ng inyong contact details sa Information Sheet na kasama ng inyong November Meralco bill, isumite ito sa pinakamalapit na Meralco Business Center o Bayad Center, o sa awtorisadong Meralco bill delivery messenger.
Ang basketball star na si Jimmy Alapag, ang retiradong point guard ng Meralco Bolts, ay mukha ng Meralco Customer Information Updating program na tinaguriang Project Handa. Sa kanyang mensahe sa pinakahuling Meralco bill, nanawagan si Jimmy na i-update ng mga customer ang mga contact info para mapaalalahanan sila ng Meralco sa panahong maaaring maapektuhan ang electricity service.
Noong Hunyo, bumida si Alapag sa Meralco Advisory TV commercial kasama ang mga Meralco executive na sina Joe Zaldarriaga at Maita David, na nagpaalala rin ang basket ball star sa Meralco customers na mag-update ng kanilang contact information at social media accounts.
Patuloy din ang batikang basketbolista sa pagtulong sa kampanya ng Meralco sa pamamagitan ng pagpapa-interview sa broadcast media ukol dito.
Para sa karagdagang impormasyon, maaring bisitahin ang www. meralco.com.ph/updatingyour info o kaya ang Meralco official Facebook at Twitter accounts @meralco.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio