Instant drug rehab facilities nagsulputang parang kabute! (Attention: DoH & DDB)
Jerry Yap
December 19, 2016
Bulabugin
DAHIL sa maigting na drug war ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, hindi lang mga punerarya ang nagsulputang parang kabute ngayon sa bansa.
Nagsulputan na rin ang napakaraming instant drug rehabilitation facilities sa bansa lalo na raw diyan sa CALABARZON at sa Baguio area.
Ang singilan daw po riyan ay pang-high end.
‘Yung iba naman, kunwari advocacy at hindi maniningil sa mga indigent pero front lang pala para makakuha ng paying clients.
Noong una, narinig natin ang mga tsismis na marami raw tongpats sa droga ang ‘naglalabada’ ng kuwarta ngayon sa pagtatayo ng mga punerarya.
Ngayon naman, posible kayang, may naglalabada na rin ng kuwarta sa pagpapatayo ng mga private drug rehabilitation facility?!
Gaya po nang paulit-ulit na nating sinasabi, ang inyong lingkod ay masugid na advocate laban sa ilegal na droga.
Kaya naman, isa tayo sa nalulungkot sa mga nababalitaan nating biglang nagsulputang private drug rehab facility.
Nanawagan po tayo sa Department of Health (DoH) na maging mahigpit sa pagmo-monitor ng mga bagong rehab facilities.
Nakapagtataka po kasi na napakabilis makapagtayo ng ilan para gawing negosyo.
Alam po ba ninyong napakaraming rekesitos bago makapagtayo ng isang rehab center?
Bukod diyan, napakahirap pong kumuha ng mga professional staff. Kaya nakapagtataka talaga na napakabilis ng pagdami ng rehab centers or facility sa bansa na walang DOH accreditation at compliance.
‘Yung iba ngang matagal na sa ganitong professional care ‘e madalas na nahihirapang makakuha ng mga karagdagang professional staff, ‘yung bago pa kaya?!
Secretary Paulyn Rosell-Ubial, I smell something fishy, puwede bang pakibusisi lang?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap