PUWEDE palang komedyante si Departement of Justice (DOJ) Sec. Vitaliano Aguirre II dahil napatawa niya tayo na clueless o wala pa raw siyang ideya kung saan napunta ang P20 milyon mula sa P50-M bribery-extortion scandal.
Itinuro na nga mismo nina Bureau of Immigration (BI) deputy commissioners Al Argosino at Michael Robles na napunta ang P2-M bilang balato kay Wenceslao “Wally” Sombero Jr., ang emisaryong middleman-broker na inutusan ng illegal gambling operator sa Fontana Leisure Parks & Casino sa Clark, Pampanga na si Jack Lam.
Habang ang P18-M naman ay ibinigay raw nina Argosino at Robles kay retired PNP Director at BI intelligence officer Charles Calima para paghati-hatian ng iba pang mga kasabwat.
Kailangan pa bang i-memorize ang anomang bagay na alam naman kung saan talaga hahanapin o baka naman nagiging malilimutin lang si Aguirre sa dami ng kanyang inaasikaso?
Sabi nga, mahirap daw gisingin ang nagtutulug-tulugan.
Pero may mga importante pang hinihintay na kasagutan ang publiko na dapat ipaliwanag:
Una, bakit pumayag si Department of Justice (DOJ) Sec. Vitaliano Aguirre II na makipagtagpo kay Jack Lam sa labas, imbes sa kanyang opisina?
Ikalawa, hindi ba parang malaswa at masama sa panlasa ang pakikipagtagpo ni Aguirre kay Jack Lam sa mismong lugar na nakatakdang puntahan ni beloved Pres. Rodrigo R. Duterte bilang guest of honor and speaker?
Ikatlo, kailan pa nagsimula ang DOJ na gumamit ng mga asset na tulad ni Sombero?
Pawang law-enforcement agencies lang kasi ang alam nating gumagamit ng mga asset. Kahit itanong niya pa kay “Wally Payola.”
At ikaapat, paano at kailan kaya nakilala ni Aguirre si Sombero at gaano niya ito kakilala gayong isa siyang private law practitioner bago naitalagang kalihim ni PRRD sa DOJ?
NANUHOL AT NASUHULAN
PAREHO LANG MAY KASO
MALAKING kagaguhan ang demandahan nina Sombero ng mga nasibak na opisyal ng BI na sabit sa bribery-extortion scandal.
Ang ibig nilang palabasin sa demanda kontra demanda, wala nang maasahan ang publiko na mapananagot ang mga hindoropot sa nangyaring eskandalo?
Si Sombero na isang retiradong opisyal ng Philippine National Police (PNP) ay naunang sinampahan ng katulad din na kaso nina Argosino at Robles sa panunuhol daw sa kanila ng halagang P50-M kapalit ng pagpapalaya sa mahigit 1,300 Chinese nationals na empleyado sa illegal gambling online operation ni Jack Lam.
Hindi ba tahasang niloloko na tayo ng mga damuho na sangkot sa bribery-extortion scandal?
Sa pagkakaalam natin, ang nanuhol at sinuhulan ay kapwa pinapanagot sa kasong bribery o panunuhol sa sinomang opisyal o empleyado ng gobyerno.
Kaya nga sinibak sina Argosino at Robles ay hindi naman entrapment ang nangyari kung ‘di maliwanag na bribery-extortion base sa mga salaysay at sa kuha ng mga CCTV camera ng City of Dreams casino.
Hindi rin ipinaaresto nina Argosino at Robles si Sombero sa aktong iniaabot sa kanila ang suhol kaya palusot lang ang entrapment.
Karaniwan nang ipinaaalam muna sa awtoridad ang hinihingan ng suhol bago maganap ang abutan ng pera bilang ebidensiya sa kasong entrapment, bagay na hindi ginawa ni Sombero.
‘Di ba pare-pareho lang dapat makasuhan ng bribery-extortion at corruption ang dalawang BI official at si Sombero?
Sa basurahan dapat pupulutin ang demanda nina Argosino at Robles, pati na ang kontra-demanda ni Sombero sa kanila, dahil ang Ombudsman mismo, motu proprio, ang dapat magsagawa ng imbestigasyon para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa lahat ng may kinalaman sa eskandalo.
Walang kasong bribery kung hindi parehong kakasuhan ang nanuhol at sinuhalan.
Para saan pa ang ginawang panunuhol ni Sombero ng perang galing kay Jack Lam kung walang kapalit na pabor na inaarbor si Jack Lam?
Sa madaling sabi, walang “K” magdemandahan sina Sombero at ang dalawang kupal na BI officals dahil pareho lang silang kakasuhan ng Ombudsman, sa ayaw at sa gusto nila.
P50-M BA O P60-M?
MAY isa pang kumakalat na usap-usapan sa mga kapihan para sa kaalaman ng masusugid naming mambabasa at tagasubaybay sa malaganap na programang ‘Lapid Fire’ na napapakinggan, 12:30 pm – 1:30 pm, sa makasaysayang himpilan ng DZRJ-Radyo Bandido (810 Khz), Lunes hanggang BIyernes.
Gaano katotoong P60-M raw ang talagang paunang halaga na pinakawalan ni Jack Lam para ipanuhol kapalit ng kanyang proteksiyon?
Ayon sa mga alinasngas, bawas na raw agad ng P10-M ang kuwarta bago pa naganap ang abutan sa City of Dreams casino at ibinawas ang sinasabing P2-M para kay Sombero at P18-M para kay Calima and Company.
‘Yan kaya ang kahulugan o ibig sabihin ng salitang protective custody ni Sombero sa National Bureau of Investigation (NBI)?
Kung toto ito, P30-M pala at hindi P20-M ang kailangang ideklarang hindi pa nababawi.
Aba! Parang may hawig na pangyayari sa $1-million money laundering na ninakaw sa Bangladesh Bank na hanggang ngayon ay hindi naisasauli nang buo.
Susmaryosep!!!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid