BAKIT ang maliliit lang na indibiduwal ang dapat dumaan sa drug test? Dapat ang mga senador at kongresista ay sumailalim din sa drug test para maipakita na walang pinipili ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte pagdating sa kampanya laban sa droga.
At kung talagang suportado nina Senate President Aquilino Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez ang program ni Duterte, sila dapat ang manguna sa panawagang mandatory drug testing sa lahat ng miyembro ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Hindi iilan ang naririnig natin na marami sa mga mambabatas ang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot kaya dapat lang gawin ang mandatory drug testing para hindi pagdududahan na may pinipili o kinikilingan ang administrasyon ni Duterte pagdating sa kampanya laban sa droga.
Ang nakapagtataka ay kung bakit tahimik sina Pimentel at Alvarez sa usapin ng mandatory drug testing pagdating sa mga mambabatas. Bakit pawang maliliit lang na indibiduwal ang napagdidiskitahan ng kasalukuyang adminstrasyon kapag ilegal na droga ang pinag-uusapan?
Natatakot ba sina Pimentel at Alvarez na sakaling ituloy nila ang mandatory drug testing sa hanay ng mga mambabatas ay madiskubre nila na marami sa kanilang miyembro ang lulong sa ipinagbabawal na gamot?