LABIMPITONG taon o panahon pa ng administrasyong Estrada ay umiiral na ang narco-politics sa bansa .
Ito ang isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talum-pati sa The Outstanding Filipino Awards (TOFIL) kahapon sa Palasyo.
Anang Pangulo, nanghilakbot siya nang maupong Pangulo na umabot na sa apat na milyon ang drug addicts na Pinoy at libo-libong tila mga ‘zombie’ ang mga nagsisuko sa awtoridad.
“You know, we have been narco-politics since about 15 to 17 years ago,” aniya.
Kontaminado aniya ng illegal drugs ang gobyerno mula sa basic unit na barangay hanggang sa lehislatura.
Kaya wala siyang mapagpilian kundi isulong ang digmaan kontra illegal drugs kahit pa umani ng batikos sa mga pari.
Giit ng Pangulo, hindi niya puwedeng talikuran ang drug war dahil katumbas ito nang pagpapabaya sa tungkulin.
“Wala akong problema riyan sa mga pari. Talk about the sanctity of life. But you know, I have to make a choice now. It’s the greatest good for the greatest number,” dagdag niya.
Naging kritiko ng administrasyong Duterte ang simbahang Katolika dahil sa anila’y extrajudicial killings bunsod ng drug war.
Walang balak si Pa-ngulong Duterte na hu-mingi ng paumanhin at sa Diyos lang siya mananagot sa panahon ng paghuhukom.
Ipinahiwatig ni Duterte na tinabla niya ang hirit ni Sen. Dick Gordon hinggil sa usapin kahit pa mataas ang respeto niya sa senador.
“Ganon lang po. I do not offer any excuses nor apologies. I will answer God when I face him. Pero dito, hindi ako puwedeng mag… Alam ko and even a close friend of mine. Gordon wrote me a very poignant letter. I respect him very much. I know that it was his letter. Pero, tingin ko, Dick, you know, it’s about too late in the day. Hindi ako puwedeng mag—,” anang Pangulo.
Tiniyak ng Pangulo na ang susunod na presidente ay magiging malaya na sa talamak na problema sa illegal drugs .
“But anyway, konti na lang naman ang namamatay. Medyo ubos na e. Talaga, hindi ako nagpapatawa. Pero I cannot… my next, my successor should be freed of this kind of malignancy,” aniya.
(Rose Novenario)