KAPAL mo naman, ‘no! Mahiya ka naman, Jeng! Ito marahil ang kantiyaw na gagawin ni Wally Bayola, sakaling magkita sila ni Renato “Jobless” Reyes Jr., ang lider ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan.
Nato kung tawagin si Renato ng kanyang malalapit na kaibigan. Tinaguriang “Jobless” si Nato dahil sa tinagal-tagal nang panahon, wala yatang naging trabaho si Nato maliban sa mag-rally nang mag-rally sa Mendiola at Liwasang Bonifacio.
Naging buhay na ni Nato ang maglunsad ng kilos-protesta kaya kinalyo na rin ang kanyang mga kamay dahil sa kabibitbit ng megaphone, streamer at placards. Sa kanyang edad, mukhang walang maipagmamalaking karanasan si Nato na siya ay namasukan ng trabaho, at sa kalaunan ay na-ENDO.
Ang tanging credential ni Nato ay pagiging professional activist. Kung ang ibang padre-de-pamilya ay nangangamba sa araw-araw na kakainin ng kanyang pamilya, si Nato naman ay nangangamba kung bubuwagin ng mga pulis ang kanilang kilos-protesta.
At sa patuloy na pagsasagawa ng demonstrasyon ni Nato, naroon din naman sa mga lansangan ang mga vendor, drivers at mangangalakal na patuloy na nagbabanat ng buto at tunay na nagtatrabaho.