NAPAKALAYO na talaga ng narating ng singing career ni Yeng Constantino. Ang music video niya pala para sa kantang Ikaw ang most watched OPM video sa YouTube Channel ng Star Music at maging sa buong mundo na may 50 million views at 20 million views para sa lyric video at iba pang upload ng fans.
Ayon sa Star Music, ang Ikaw ay may kabuuang 52.3 million views.
Kaya naman ganoon na lamang ang kasiyahan ni Yeng sa ibinalitang ito sa kanya ng Star Music kasabay ang paggagawad sa kanya noong Huwebes ng plake.
“Sobrang grateful po ako. Kahit saan gamitin ang kanta ko, laging may magic moment. Thank you po sa Star Music.”
Kasabay ng panibagong milestone sa career niyang ito ang pagdiriwang ng kanyang ika-10 taon sa showbiz at Star Music. Kung ating matataandaan taong 2006 ng Disyembre nagwagi si Yeng sa Pinoy Dream Academy.
Pumangalawa kay Yeng ang Mahal Ko O Mahal Ako music video ni KZ Tandingan na may 35 million views.
Sa tagumpay na ito, iginawad sa Star Music ang Youtube Gold Play Button, isang framed limited-edition gold-plated play button na ibinibigay ng YouTube sa channels na nakakukuha ng isang milyong subscribers.
Nakakuha nga kasi ng malaking milestone ang Star Music nang makapagtala ng isang milyong subscriber ang YouTube channel nito. Ang Star Music din ang kauna-unahang record company na umabot ng isang milyong subscribers sa bansa, at pangatlo sa YouTube channels na pagmamay-ari ng ABS-CBN.
Ang YouTube ay ang nangungunang online video platform sa mundo na may isang bilyong active monthly viewers. Isa rin ito sa mga pinakasikat na website sa paghahanap ng musika kaya naman ito ang pinakapaboritong site ng mga Filipino sa panonood ng kanilang paboritong Original Pilipino Music (OPM).
Ayon din sa Star Music, bukod sa Pilipinas, ang Saudi Arabia, UAE, United States, Kuwait, at Canada ang nangungunang mga bansa na nanonood ng videos nito.
Libre mang napapanood ang videos sa YouTube, pero dahil sa may advertisements, kumikita ang producers, record companies, at composers.
“Dahil sa YouTube, may lehitimong pinagkukuhaan ng libreng musika ang fans na isang malaking tulong sa music industry. Hindi lang kami tinutulungan nitong kumita, binibigyan din kami ng Youtube ng pagkakataong makipagtapatan sa ibang music producers sa buong mundo,” ani Roxy Liquigan, head ng Star Music.
Sinabi pa ni Liquigan na malaki talaga ang naitutulong ng YouTube sa industriya ng musika sa paglaban sa piracy.
Ang isa pa sa most viewed video ay ang Mahal Kita Pero ni Janella Salvador.
“I was nervous noong ini-release nila itong Mahal Kita Pero, because I didn’t have an album then,” sambit ni Janella.
Ang ABS-CBN ang nangungunang media and entertainment company na unti-unti nang nagiging digital company gamit ang makabagong teknolohiya dahil sa malawak na online presence nito at dumarami pang digital properties.
Ang Kapamilya Network din ang nagmamay-ari ng numero unong YouTube channel sa bansa, ang ABS-CBN Entertainment channel na nakapagtala na ng halos apat na milyong subscribers at limang bilyong views, pati na ang pangalawang most subscribed channel, ABS-CN News na may 2.6 milyong subscribers.
Sa lawak ng online reach nito at pagkakaroon ng mga artistang may malaking online fan base, nagbibigay daana ng ABS-CBN para mas mapalapit ang OPM sa puso ng mga Filipino sa buong mundo. Bukod naman sa mga sikat na bituin, bumibida rin sa OneMusic.PH ang online music platform ng ABS-CBN, ang mga Filipinong puno ng talentong nais maipakita ang kanilang galing sa musika. Ngayogn taon, napanood na sa OneMusic.PH sina Yeng, Ylona Garcia, The Dawn, Sue Ramirez, Loisa Andalio, Maris Racal, Kristel Fulgar, at Darren Espanto.
Isinusulong din ng ABS-CBN ang OPM sa mga proramang nililikha nito gaya ng I Love OPM at spin-off nitong We Love OPM, mga bagong episode ng Ryan Ryan Musikahan sa Jeepney TV gayundin sa Tawag ng Tanghalan sa It’s Showtime at ASAPINOY sa ASAP. Pinamumuuan din ng ABS-CBN ang nangungunang FM radio station sa Maynila, ang MOR 101.9.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio