MARIING itinanggi ni Catanduanes Governor Joseph Cua ang pagdawit sa kaniya sa ilegal na droga kaugnay sa pagkakadiskubre ng isang “mega” shabu laboratory sa bayan ng Virac nitong 26 Nobyembre.
Sa isang pulong balitaan na ginanap sa Quezon City kahapon, pinaliwanag ni Cua na walang katotohanan ang mga paratang ‘pagkat bahid-politika lamang.
“Dito na ako nagdesisyon na kailangan marinig ang aking panig at linisin ang aking pangalan dahil mula po sa umpisa na sumabog ang isyu ng droga, malinis at inosente po ako at naaapektohan na ang aking pamilya,” anang gobernador.
Matatandaang lumutang ang pangalan ni Cua sa isinagawang pagdinig ng Senado kaugnay sa illegal na droga, na nabanggit ni Sen. Antonio Trillanes IV ang pangalan ni Cua noong tanungin niya si Kerwin Espinosa at Ronnie Dayan kung kilala ang gobernador.
“Sinabi nilang hindi nila ako kilala,” ani Cua.
“Nang itinayo po ang warehouse, taon Marso 2015 hanggang Setyembre 2015 – hindi pa po ako ang Gobernador ng Catanduanes kundi si Araceli Bernardino Wong. Naging operational po ito mula Marso 2016 at tumaas ang konsumo sa koryente mula P1, 500 hanggang P50, 000 bawat buwan,” paliwanag niya.
“Tuloy-tuloy ang operasyon ng warehouse na ang pronta nga ay plastic manufacturing, hanggang i-raid ng PNP Region 5 at matuklasang shabu laboratory nitong Nobyembre 2016 na ako na ang Gobernador,” dagdag ni Cua.
Aniya, ang kinatatayuan ng nasabing laboratoryo ay 40-ektaryang lupa na nakapangalan sa isang Sarah Sarmiento na inupahan naman ni Angelica Balmadrid, sinasabing common-law wife ni National Bureau of Investigation Region 12 Director Atty. Eric Isidoro na taga-Catanduanes.
Paliwanag ni Cua, ang 1,000 square meter ay pinarentahan kay Jason Gonzales Uy na hinihinalang operator ng nasabing laboratory sa halagang P2,000 kada buwan o P250, 000 sa loob ng sampung taon.
“Naintindihan ko pong kailangan isailalim kami sa imbestigasyon pagkat ‘pag may shabu lab na ganito ay hindi nga naman puwedeng walang protector o walang nakaaalam. Sana naman ay imbestigahan din ‘yung mga nakaraang opisyal ng lalawigan noong ang shabu lab ay itinayo at naging operational noong panahon nila. Kaya’t hindi rin talaga maiaalis sa akin na hinahaluan ito ng politika,” dagdag ni Cua.
Ayon sa gobernador, bukas siya sa lahat ng uri ng imbestigasyon at makikipagtulungan. Katunayan, aniya, noong 2 Disyembre 2016 ay sumulat siya kay DOJ Secretary Vitaliano Aguirre at nagre-request ng “independent body” na pupunta sa Virac upang imbestigahan ang isyu ng droga.
Duda ni Cua may kaugnayan sa ilang tiwaling ahente ng NBI si Uy dahil pinatakas ang mga kasama niyang Chinese Nationals ng mga nagpakilalang NBI agents bago pa maisagawa ang raid sa shabu lab.
“May unconfirmed reports tayo na iyong sasakyan ni Jayson Uy na Fortuner, ang dating may-ari nito ay isang NBI agent na si Carlos Borromeo,” diin ni Cua.