AMINADO si Paolo Ballesteros na malapit sa kanyang puso ang Die Beautiful, ang official entry ng Idea First Company at Regal Entertainment Inc., sa Metro Manila Film Festival 2016 na mapapanood simula Disyembre 25.
Tulad ng ginagampanang karakter ni Paolo na si Trisha, nagsimula rin sa mababa ang actor bago narating ang kasalukuyang kinalalagyan. Nagmula sa Nueva Ecija bilang isang simpleng binata na pumaso sa showbiz bilang junior host ng Eat Bulaga.
Ilang taon din ang ginugol ni Paolo bago napansin ang kakaiba niyang talento, ang make-up transformation. Kasunod nito’y ang pagkakuha sa kanya ni Direk Jun Lana para magbida na nga sa Die Beautiful.
Kung tutuusin hindi lamang personal achievement ang Die Beautiful para kay Paolo na nagwagi ng isa sa maituturing na mataas na pagkilala, ang pagkapanalo ng Best Actor sa Tokyo International Film Festival.
Nagbigay din ng karangalan ang pelikulang ito sa ating bansa nang bigyan din ito ng pagkilala bilang Audience Award at nakakuha ng mga magagandang rebuy mula sa mga film critic abroad.
Kapwa hinangaan ang galing nina Paolo at direk Lana sa Toronto Film Festival.
“The audience in Toronto loved ‘Die Beautiful’. They were moved by Paolo Ballestero’s performance and found the film illuminated the trans experience for them. Moving, inspiring,” nasambit ni Cameron Bailey, Artistic Director sa Toronto Int’l. Filmfest.
Isa pa sa nakapagpapasiya sa bumubuo ng Die Beautiful ay ang pagkagusto ng local fans sa official trailer nito na agad umabot sa 1M views.
Isang patunay at nagkakaisa ang lahat sa pagsasabing, isang magaling na actor si Paolo na malayo ang mararating at kayang gampanan ang anumang karakter na ibigay, mapa-komiko at drama.
Kaya watch na ng Die Beautiful dahil isa itong pelikulang nagpapakita ng pagmamahal sa mga anak.
Kasama rin sa pelikulang ito sina Joel Torre, Gladys Reyes, Luis Alandy, Inah de Belen, Christian Bables, IC Mendoza, at Cedrick Juan with the special participation of Iza Calzado at Eugene Domingo.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio