HINDI kaya nag-iisip itong si Health Secretary Paulyn Ubial nang sabihin niya na sa susunod na taon ay magsisimula na silang mamahagi ng condom sa mga paaralan para iiwas ang mga kabataan sa patuloy na pagtaas ng kaso ng HIV/AIDS?
Ngayon pa lang ay ramdam na ang init ng pagtutol hindi lamang ng Simbahang Katolika kundi ng mga magulang at iba’t ibang grupo sa plano ng DOH.
Kung bakit hindi muna asikasuhing mabuti ng kagawaran ang pagpapaigting sa information campaign tungkol sa HIV/AIDS at kung anong mga problemang pinag-uugatan nito gaya ng premarital sex, pagkakaroon ng maraming sexual partners at pagpaplano ng pamilya nang tama, mapa-natural way man ‘yan o gamit ang contraceptive.
Hindi dapat isinubo ng DOH ang plano nitong pagbibigay ng condom sa mga kabataan sa mga paaralan dahil lalo lamang nitong binibigyan ng ideya ang mga bata na dahil may condom na ay ayos nang makipag-sex o ok lang makipag-sex silang mga kabataan basta protektado.
Nakikita natin ang marubdob na adbokasiya ng DOH na makontrol ang paglaganap ng HIV/AIDS sa bansa, pero hindi ito sa pamamagitan ‘lang’ nang pamamahagi ng condom.
Pinakamainam pa rin ang edukasyon bilang tugon at panlaban sa patuloy na paglala ng kaso ng nakamamatay na sakit.