TAMA ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na sibakin sa kanyang Gabinete si Vice President Leni Robredo. Kung magtatagal pa sa kanyang puwesto bilang housing czar si Robredo, malamang na lumikha pa nang malubhang kaguluhan sa administrasyon ni Duterte.
Inakala ni Duterte na magiging maayos ang relasyon niya kay Robredo kaya kahit malapit siya sa dating Pangulong Noynoy Aquino ay binigyan pa rin niya ng puwesto bilang chairperson ng HUDCC.
Pero sa kabila nito, hindi kinakitaan ng pagsuporta si Robredo sa mga programa ng administrasyon ni Duterte. Mula sa kampanya laban sa droga, Marcos burial at pagpuna sa Estados Unidos, European Union at United Nations ay hindi lumubay si Robredo sa pagpuna kay Duterte.
Sana hindi na binigyan ng puwesto sa simula pa lamang ng administrasyon ni Duterte si Robredo. Sa pitong buwan na panunungkulan sa Gabinete at bilang bise presidente, wala naman talagang naitulong sa bayan. Walang ginawa kundi magpa-photo-op at magpa-press release mula sa kanyang tanggapan.
Ngayong sibak na sa kanyang puwesto si Robredo, marami rin ang naghihintay kung kailan niya iiwan ang kanyang puwesto bilang bise presidente.