ITINATAK sa ating isipan na walang pinag-aralan si Bonifacio dahil alam ng puwersa ng reaksiyon na para sa atin, ang pinag-aralan ay napakahalahaga at ang kawalan nito ay malaking kahihiyan.
Hindi tayo mahilig sa digmaan tulad ng ibang lahi kaya bakit pilit din na itinatanim sa ating isipan na si Bonifacio ay mandirigma lamang.
Bakit palagian siyang ipinakikita na may tangang revolver at gulok? Dangan kasi ito lamang ang paraan para mailayo siya sa atin at maitanim sa lahat na siya’y barumbado at makitid ang isip.
Matagumpay ang ganitong presentasyon sa kanya ng puwersa ng reaksiyon kaya ultimong ang mga kababayan natin na nasa kilusang komunista ay kinikilala siya bilang isang madirigma lamang at hindi isang pantas sa teorya o ideologue. Pang-digmaang bayan lamang si Bonifacio.
Dahil sa ganitong panlalason sa ating isipan ay marami ang hindi maimahen si Bonifacio bilang banayad, edukado at mapayapang tao. Masyado siyang natali sa kanyang revolver at gulok kaya walang mangahas na ipangalan sa kanya ang isang sentro ng mataas na edukasyon.
Kabaliktaran ito kung paano naman palagiang ipinakikilala si Jose Rizal. Siya ay laging malumanay at nakikitang may tangan na libro kundi man laging nagsusulat o nagbabasa. Hindi kataka-taka na isinusunod sa kanyang pangalan ang matataas na paaralan.
Pero dapat nating maunawaan na si Bonifacio ay hindi mandirigma lamang.
Una sa lahat si Bonifacio ay edukador dahil siya ay puno ng aral at karanasan. Mapagpahayag ng saloobin sapagkat may malalim na pang-unawa sa kanyang kalalagayan.
Ang kanyang mga akda katulad ng “Ang mga Dapat Mabatid ng mga Tagalog,” “Pag-Ibig sa Tinubuang Lupa,” “Katapusang Hibik ng Pilipinas,” at “Ang mga Cazadores” ay patunay na siya ay mulat katulad ng mga kasabayang Ilustrados.
Mahusay magpaliwanag dahil alam niya ang ating kasaysayan at kilala niya ang ating lipi. Mahusay makiramay at puno ng pasensiya. Hindi arogante at barumbado sa kanyang pagkilos sapagkat kung siya ay gayon ay hindi niya maiingatan at mapapalaki ang KKK-AnB nang lihim sa loob ng apat na taon mula 1892 hanggang 1896. Hindi yata biro ang mag-organisa. Kailangan ng isang organisador ang liderato, dunong, talento at husay sa pakikisama para maitayo ang isang organisasyon.
Si Bonifacio ay relihiyoso at kulturado. Sa katunayan noong Biyernes Santo ng 1895, kasama ang ilang piling tauhan ay pinuntahan nila ang kuweba ni Bernardo Carpio (Kuwebang Pamitinan) sa Montalban. Doon ay nilinis nila ang kanilang sarili, nagsindi ng kandila, nanalangin at isinulat sa kuwebang malapit ang mga katagang “Mabuhay ang Kalayaan ng Pilipinas.”
Hindi malayo na naligo rin sila sa malamig na tubig ng Wawa Dam.
Panahon na para baguhin natin ang ating pagkakakilala kay Gat Bonifacio. Siya ay matalino, edukado at mahusay na lider. Kasabay nito ay ipinanawagan ko kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa mga miyembro ng kongreso na pormal na siyang kilalanin bilang unang pangulo ng ating bayan. Ito man lamang ay maging ganti natin sa kanyang ipinadamang pag-ibig sa bayan.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maaari kayong pumunhta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala nang mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.
USAPING BAYAN – ni Rev. Nelson Flores, Ll.B., MSCK