HALOS 50 miyembro na ng Maute Group ang napatay sa nagpapatuloy na sagupaan sa Butig, Lanao del Sur.
Sa harap ito nang pagbisita ng Pangulong Rodrigo Duterte sa nasabing probinsiya kahapon at pagdalaw sa mga sugatang sundalo.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office (PAO) chief, Col. Edgard Arevalo, malapitan na ang laban ngayon at maliit na bahagi na lang ng bayan ang sakop ng armadong grupo.
Aminado ang AFP na hindi nila maaaring madaliin ang operasyon dahil sa ilang mahalagang concern, tulad ng mga inilagay na pampasabog ng grupo. Mayroon din aniyang snipers na ikinalat sa lugar, upang tambangan ang ano mang pangkat ng militar na biglang papasok sa Butig.
Tiwala si Arevalo na nalalapit na ang pagtatapos ng sagupaan sa Butig, lalo’t buhos ang puwersa mula sa lupa hanggang sa himpapawid.