KAHAPON ginunita ng iba’t ibang grupo ang ika-153 taong kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, ang tinaguriang ama ng rebolusyong Filipino at tagapagtatag ng Katipunan.
Lumaban sa mananakop na dayuhang Español pero sa kinalaunan ay ipinapatay ng kapwa Filipino.
Mula sa Liwasang Bonifacio, Mendiola bridge at People Power monument sa EDSA, nakalulungkot pagmasdan ang mga demonstrador na imbes sumentro kay Bonifacio ang tema ng kanilang pagkilos, ay iba ang kanilang isinisigaw.
Ang dilawan at mga kaliwa ay gustong patalsikin si Duterte, kasabay ang panawagang hukayin ang labi ni dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ang mga pro-Marcos naman ay tutol sa pagpapatalsik kay Duterte at galit na tumututol na alisin ang labi ng dating presidente sa LNMB.
Pero, ang nakalulungkot ay kung bakit wala man lang sa mga nagtalumpati ang nagtanong sa harap ng mga demonstrador kung sino ang responsable sa pagpaslang kay Bonifacio.
Nasaan ang kanyang bangkay at kung totoo bang ginahasa pa ang kanyang asawa na si Aling Oryang.
Kung ano-ano ang isinisigaw ng mga demonstrador sa paggunita ng kaarawan ni Bonifacio habang patuloy na naghihintay ng kasagutan at katarungan ang mapait na sinapit ng tagapagtatag ng Katipunan.
Nasaan din ang katarungan para kay Aling Oryang? Hanggang ngayon, naghahanap ito ng katugunan.