HULING araw na ng Nobyembre, at ibig sabihin lang nito ay hindi na talaga mapipigilan ang pagdating ng Pasko. At ‘pag ganitong papalapit nang papalapit ang Kapaskuhan, aligaga na ang lahat sa kanilang pamimili ng panregalo.
Kontodo isip na rin ang marami kung paano pagkakasyahin ang pera para mairaos nang maayos ang sinasabing isa sa pinakamasayang holiday sa bansa.
Praktikalidad ang isang susi para maitawid nang maayos ang nalalapit na Kapaskuhan.
Hindi kinakailangang mamahalin ang dapat bilhing regalo sa pamilya at kaanak, kaopisina, kaklase at mga kaibigan. Hindi kailangang may tatak at nabibili sa magagarang mall.
Higit na maasahan pa rin ngayong panahon ng Kapaskuhan ang Divisoria. Naroroon lahat ng mga bagay na makikita at mabibili sa mga naglalakihang mall. Ang pagkakaiba nga lang nila rito ay ‘di malayong mas mura ang mga nasa Divisoria.
Mahirap lang mamili dahil sa dami ng tao. Kaya nga sa sandaling naisipang dito mamili, kailangan magbaon ng mahabang pasensiya, at kailangan tiyagain ang pag-iikot at pakikipagsiksikan sa tao, at maging ang pakikipagkulitan sa mga tindera para makakuha ng mas malaking diskuwento.
Higit na kailangan ay pagiging maingat; maging alerto sa iba’t ibang uri ng kawatan na naglipana; at maging mapanuri sa mga bagay na bibilhin. Maging security conscious din palagi lalo na ngayon na sinasabing may banta ng terorismo sa Metro Manila.
Laging tandaan sa inyong pamimili: Makontento sa kung ano ang kaya ng inyong pera.