P570-M pondo para sa rehab centers inilaan na ng DOH
Jerry Yap
November 30, 2016
Bulabugin
Bilang suporta at pakikiisa sa kampanya laban sa ilegal na droga ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, maglalaan ang Department of Health (DoH) ng P570 milyones para magtayo, mag-upgrade, mapalawak at maisaayos ang 16 public drug treatment and rehabilitation centers (TRCs) sa bansa.
At ‘yan ay suportado ng mga mambabatas na isa riyan ay si Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel.
Kasama sa panukalang P3.35-trilyong national budget para sa 2017 ang paglalaan ng pondo para sa pagbubuo ng impraestruktura ng government-run residential TRCs upang tugunan ang rehabilitasyon ng malaking bilang ng drug users.
Si Pimentel, ay miyembro ng House appropriations committee.
Ang pondong P570 milyones ay nakalaan para sa drug centers sa Bicutan, Taguig City na makakukuha ng P51 milyon; sa San Fernando, La Union na may P15 milyon; sa Bauko, Mountain Province na may P65 milyon; sa Ilagan, Isabela, P20.3 milyon; Pilar, Bataan, P20 milyon; sa Pampanga P60 milyon; San Fernando, Camarines Sur, P24.2 milyon; sa Pototan, Iloilo P8.3 milyon; sa Argao, Cebu P54 milyon; sa Cebu City P11.7 milyon; sa Dulag, Leyte P4.2 milyon; sa Sindangan, Zamboanga del Norte P20 milyon; sa Ipil, Zamboanga Sibugay P20 milyon; sa Cagayan de Oro City P11 milyon, at sa Davao City P35 milyon.
Kasama rin sa naturang budget ang P150 milyon na ibibigay sa DOH central office para sa infrastructure requirements ng nasabing centers.
Malaking project ngayon itong isinusulong ng DoH. Isa po tayo sa natutuwa riyan.
Pero sana lang po, magkaroon din ng budget para sa human resources na siyang magpa-facilitate ng programa sa bawat TRCs.
Matagal na pong adbokasiya ng inyong lingkod ang kampanya laban sa ilegal na droga at rehabilitasyon ng mga nagiging biktima nito.
Kung malaking budget ang nakalaan rito, sana lang po ay ‘yung mga matitinong tao ang mailagay dito para hindi makatkong ang budget nito.
‘Yun lang po.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap