Hanggang magkano ang isisirit ng dolyar?!
Jerry Yap
November 28, 2016
Bulabugin
KUNG kailan Pasko, saka sumisirit pataas ang halaga ng dolyar.
Halos P50 na ang isang dolyar.
At posibleng tumaas pa?!
Ilang mga bihasang ekonomista ang nagsasabi na puwede umanong umabot hanggang P55 pa hanggang sa Bagong Taon.
Araykupo!
Natuwa naman ang overseas Filipino workers (OFWs) at ang pamilya nilang nakabase sa bansa, dahil tumaas ang palitan ng dolyar sa piso.
Pero mukhang hindi nila nauunawaan na ang ibig sabihin nito ay pagbagsak ng halaga ng piso. Mataas nga ang palit ng dolyar pero magtataasan din ang presyo ng mga bilihin at iba pang gastusin sa bahay gaya ng koryente, gasul, atbp.
‘E di wala rin saysay kapag tumaas man ang palitan?!
Nangangamba na rin ang mga negosyante at mga importer. Ibig sabihin kasi nito, mas maraming piso ang ilalabas nila para matapatan ang halaga ng mga inaangkat nilang produkto sa presyong dolyar.
Mukhang kailangan nang tipunin ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang kanyang economic experts at bright boys at hayaan na muna sa pulis ang laban sa ilegal na droga.
Ngayon ang panahon na kailangan munang magtuon ng pansin si tatay Digong sa ekonomiya.
Alam n’yo naman ang Central Intelligence Agency (CIA) kapag nagplano sila laban sa isang lider ng bansa na hindi sumusunod sa gusto nila, ang unang tinitira ng mga ‘yan ay ekonomiya ‘di ba?
Naalala ba ninyo si Salvador Allende ng Chile? Hindi ba’t naglunsad ng artipisyal na food shortage sa lungsod sa pamamagitan ng strike ng mga driver ng trucking services? Ang resulta: nabulok ang mga ani at pagkain mula sa kanayunan habang nagutom naman ang mga nasa kalunsuran dahil wala ngang dumarating na pagkain. Doon nagsimula ang krisis ni Allende hanggang maglunsad ng kudeta ang military sa pamumuno ni Augusto Pinochet. Pinalabas ng military na nagpakamatay si Allende sa pamamagatan ng armalite na regalo sa kanya ni Fidel Castro. Pero marami ang nagduda na pinatay at hindi nagpakamaty si Allende.
Sana ay hindi po mangyari ‘yan kay tatay Digong.
Kaya tatay Digs, please lang po, pagtuunan ninyo ng pansin kung ano ang nangyayari ngayon sa ating ekonomiya.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap