HINDI dapat magpagamit ang mga kabataan sa sulsol ng mga dilawan o ng Liberal Party (LP) na pinamumunuan ni dating Pangulong Noynoy Aquino na ang tanging layunin ay mapatalsik si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa kanyang puwesto.
Gamit ang isyung Marcos burial, unti-unti at tuloy-tuloy na gumagawa ng ingay ang grupong dilawan kasama ang mga makakaliwang grupo para palubhain ang situwasyon sa pamamagitan ng sunod-sunod na kilos-protesta.
Hindi alam ng mga kabataang na sa kabila ng kanilang paglahok sa mga demonstrasyon at rally ay nagagamit sila ng mga dilawan na ang tanging layunin ay mapababa ang popularidad ni Duterte hanggang tuluyang mapatalsik sa kanyang puwesto.
Malikhain at maingay ang mga kabataan, kaya’t sila ang target ng mga dilawan para magamit sa kanilang ginagawang propaganda. Patunay na rito ang mga sunod-sunod na kilos-protesta laban sa Marcos burial na karamihan ng kalahok ay mga kabataan na galing sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad.
Kailangang maging mapanuri ang mga kabataan sa ginagawa nilang pagsama sa mga protesta partikular laban sa Marcos burial. Mahalagang sila ay maging kritikal at malaman nila na sakaling magtagumpay ang mga dilawan sa kanilang ginagawang pagkilos, ang mga alipores din ni Aquino ang tiyak na papalit sa maiiwang gobyerno ni Duterte.