HINDI pa rin ba ‘lumalaya’ ang kaisipan ng kababaihan sa ating bayan hanggang ngayon? Dalawang parirala ang naging tampok nitong mga nakaraang araw — “makinis na tuhod na tila hindi lumuluhod” at “frailties of a woman.”
Ang una ay biro para sa isang babae. Ang ikalawa, pagtatanggol ng isang babae para bigyan ng rason ang pakikiapid sa isang lalaking may pananagutan na.
Sa una ay maitatanong, pambihira ba ang makinis na tuhod para sa isang babae?
Nangangahulugan ba ito na dapat maitim at makalyo ang tuhod ng babae para mapanatiling maayos ang tahanan na siya ang itinuturing na ilaw?
Kailangan bang maitim ang tuhod ng babae para patunayan na siya ay sumasamba sa Diyos na kanyang pinaniniwalaan?
Maitim ba dapat ang tuhod ng babaeng nakaluhod kapag ibinibigay ang kasiyahan ng kanyang kasuyo?
Sa tuhod ba nasasalamin, ang uri ng pagkababae?!
Sa ikalawa — frailties of a woman — ipinaangkin ang indibiduwal na kahinaan sa lahat ng kababaihan.
Pinalabas na ang lahat ng babae ay puwedeng pumatol sa lalaking may pananagutan dahil likas ang karupukan at kahinaan.
Ang ganitong rason ay nagbubulid sa imahe na likas sa babae ang makiapid dahil sa karupukan at kahinaan.
Nakalulungkot na ang dalawang pariralang ito ay pinagbidahan ng dalawang babaeng mataas na opisyal ng ating bansa.
Parehong abogado. Kapwa may karanasan sa pagtatanggol ng karapatang pantao.
Mga intelihente, magagaling at may kakayahan, pero sa pagsasabuhay ng mga karapatan ay bokyang natuturingan.