IKAW ba ay isang pasaway na pulis – araw-araw na nangongotong sa mga motorista?
Kung kabilang ka sa tinutukoy ni Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T Eleazar, Quezon City Police District (QCPD) District Director, aba’y magpakatino ka na!
Oo, kung ikaw ay isang pasaway na pulis, sa Quezon City ka man nakatalaga o hindi, naku po! Alam naman ninyo ang bagsik ng gobyernong Digong ngayon.
‘Nga pala, hindi lang ‘ninja cops’ ang binibigyan ng leksiyon ha, kundi lahat ng pulis na tiwali. Sila man ay hindi pa napapatunayan o iniimbestigahan pa lamang ang kanilang kaso, sila’y parurusahan na.
Patunay! Hindi naman lingid sa kaalaman ng pulisya na simula nang si PDigong na ang nagpapatakbo sa ‘Pinas, marami nang pulis-pasaway ang itinapon sa Mindanao.
Ngayon, hindi lang ninja cops ang itinatapon sa ARMM kundi maging mga kotong cops. Oo, kahit hindi pa man napapatunayang nagkasala ay binibigyan na nang leksiyon para magtanda.
Natatandaan ba ninyo iyong apat na QC cops na inireklamo sa pangongotong kay Eleazar na inaksiyonan agad ng opisyal – kinasuhan sa QC prosecutors office dahil sa pangongotong sa isang call center agent?
Hayun! Nagbunga ang aksiyon ni Eleazar laban sa apat. Matapos aksiyonan ni Eleazar ang reklamo ng biktimang si Rex Macabeo, ito ay nakarating sa kaalaman ni Pangulong Digong.
Katunayan, parang hindi nakontento si PDigong sa pagsasampa lang ng kaso laban kina PO3 Drazen Calix Clores Banatao, PO3 Teodoro Capili Morales, PO2 Juan Tumalin De Asis Jr., at PO1 Philip John Aonuevo Laylo, kaya agad nagpalabas ng direktiba sa PNP partikular sa NCRPO sa basbas ni PNP chief, Gen. Bato, na itapon agad sa ARMM (ang lugar na kinasusuklaman ng mga tiwaling pulis) ang apat na kotong cops.
Oo kahit pending investigation pa rin ang administrative case ng apat – Mindanao na ang assignment nila simula Nobyembre 14. Pinabulaanan naman ng apat ang akusasyon laban sa kanila.
“No less than President Rodrigo Duterte ordered reassignment of the four Kotong Cops particularly to Jolo, Sulu, pending investigation of their cases here in Quezon City. The reassignment of the suspects to PRO-ARMM came following their relief and reassignment order from DPRMPNP National Headquarters in Camp Crame dated November 12, 2016,” pahayag ni Eleazar.
Dagdag ni Eleazar…”This is part of the continuous internal cleansing of QCPD which is in consonance with the theme “Hamon ng Pagbabago, Serbisyong Makatao” as it celebrates its 77th Founding Anniversary this coming November 25. Kaya patuloy po ang ating ginagawang pagbabago hindi lamang sa pagdidisiplina sa ating mga pulis kundi pati na rin sa kalidad ng serbisyo para sa mga tao.
Sa panayam sa direktor ng QCPD, aniya ang aksiyon ay magsisilbing leksiyon sa mga nasasangkot sa ilegal na aktibidad kaya nananawagan siya sa publiko na ‘wag mag-atubiling magharap ng reklamo laban sa mga tiwaling pulis. Nangako ang opisyal na kanyang aksiyonan agad tulad ng ginawa niya sa apat niyang pulis.
O, kayong kotong cops diyan sa lansangan, magbago na kayo kundi…ARMM ang kababagsakan ninyo. ‘Nga pala sir, pasubaybayan mo rin ang talamak na operasyon ng QC traffic kotong cops na nag-o-operate sa San Mateo-Batasan Road, Brgy. Batasan Hills. Talamak ang kotongan diyan. Katunayan, muntik na akong mabiktima. Nagpakilala na lang ako – kasi, nagulat ako ba’t police traffic sector 3 ang manghuhuli samantala sector 6 ang nakasasakop.
***
Para sa inyong sumbong, mag-text lang sa 09194212599.
AKSYON AGAD – Almar Danguilan