SA Enero 2017 pala magtutungo ng Vatican si Ai Ai delas Alas for an audience with Pope Francis. Pero bago ito, masayang isinagawa noong Nobyembre 11, kasabay ng kanyang kaarawan, ang Thanksgiving mass at Solemn Investiture of the Pro Ecclesia et Pontifice Award sa Good Shepherd Cathedral na dinaluhan kanyang pamilya at mga kaibigan.
Masayang-masaya si Ai Ai ng oras na iyon dahil ayon nga sa kanya, naroon ang kanyang buong pamilya at mga totoong kaibigang nagmamahal sa kanya. Ang misang pasasalamat ay pinangunahan ng Obispo ng Novaliches, si Rev. Antonio Tobias kasama ang iba pang pari na sina Fr. Allan Samonte at Fr. Erick Santos na malapit kay Ai Ai.
“Ganito pala iyon, na sabi sa akin ng mga kaibigan kong pari, para akong ikakasal muli,” nasambit ni Ai Ai bago ang misa at investiture.
Maraming ipinagpasalamat si Ai Ai kasama na ang kanyang pamilya at nasabing tiyak na mayroon pang plano sa kanya ang Diyos kaya ibinigay sa kanya ang decoration.
“Siguro, isa ito sa gift Niya sa akin. Siguro, mayroon siyang misyon for me, sumusunod lang ako,” ani Ai Ai.
Si Ai Ai ang unang artistang pinagkalooban ng Pro Ecclesia et Pontifice Award, samantalang si Maestro Ryan Cayabyab naman ang sa larangan ng musika.
Dumalo sa naturang pagtitipon si Sharon Cuneta na inilarawan ng komedyana bilang totoong BFF gayundin sina Alden Richards, Nova Villa (na next in line sa kanya), Jose Manalo, Wally Bayola, John Lapus, Arnell Ignacio, Erik Santos, Direk GB San Pedro, Direk Erick Salud at marami pang iba.
Nakaitim na damit si Ai Ai nang maglakad iyon kasama ng mga pari at mga obispo, para sa isang concelebrated Mass.
Nagwakas ang misa sa pagbasa ni Fr. Erick ng papal document: “Francis Supreme Pontiff has seen fit to Decree and bestow upon Martina Aileen Hernandez delas Alas the decoration of the Sacred Cross For the Church and Pope especially established for those performing outstanding service. At the same time authorizing her to wear this decoration. Given in the Vatican, on August 18, 2016. Signed and sealed: PAOLO BORGIA, Assessor.”
Kasunod niyon ang panunumpa ni Ai Ai sa mga kautusan sa kanya ng Simbahan.
Sa kabilang banda, pinasalamatan ni Ai Ai si Kris Aquino na pinadalhan niya pala ng invitation subalit hindi ito nakarating dahil nasa Davao. Subalit nagpadala raw iyon ng donation para sa ipinagagawa niyang simbahan, ang Kristong Hari Church sa Novaliches.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio