When it rains it pours (Sa buenas o malas…)
Jerry Yap
November 16, 2016
Bulabugin
PARA sa mga magsasakang naghihintay na mabasa ang kanilang lupang sakahan, ang ulan ay isang biyaya. Pero sa mga magsasakang, malapit nang umani ng palay, ang ulan ay delubyo kapag naprehuwisyo ang kanilang aanihin.
Hindi malayo riyan ang hinaharap na problema ngayon ni Senator Joel “Tesdaman” Villanueva. Si Tesdaman, isa sa mga paboritong cabinet member ng dating pangulong si Noynoy Aquino ay mapalad (kompara sa kanyang Daddy) na nagwaging senador nitong nakaraang May elections sa ilalim ng dating ruling party na Liberal.
Masasabi nating, mapalad si Tesdaman.
Isa siyang politiko na tila hindi dumaraan sa matitinik na yugto ng buhay-politika.
Ang kanyang tatay ay dalawang beses tumakbong pangulo ng bansa. Impresibo ang plataporma pero hindi pinalad.
Dalawang beses na nabutata sa eleksiyon.
Pero mukhang si Mr. Tesdaman ang umani ng mga binhing inilatag ng kanilang tatay na si Jesus Is Lord (JIL) founder Eddie Villanueva.
Wala tayong natatandaan na nailampaso sa mga halalang nilahukan si Senator Joel Villanueva.
Lagi siyang panalo.
Nito ngang nakaraang eleksiyon ay nagwagi siyang Senador ng bansa.
Aba ‘e parang bumubuhos ang suwerte kapag nakikita natin ang hindi matapos-tapos na ngiti ni Senador Joel.
Pero ano ito!?
Biglang naglabas ng dismissal order si Ombudsman Conchita Carpio-Morales at inuutusan ang Senado na sibakin si Tesdaman dahil sa maanomalyang paggamit sa kanyang pork barrel fund noong siya ay kongresista pa.
Araykupo!!!
Sinabi ni Morales, “guilty” ang dating Cibac party-list representative sa “grave misconduct, serious dishonesty, at conduct prejudicial to the interest of the service” na nag-ugat sa maling paggamit ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2008.
Inirekomenda ng anti-graft body na isailalim sa paglilitis ang bagitong senador para sa kaso ng dalawang bilang ng paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019), Malversation of Public Funds at Malversation thru Falsification of Public Documents.
Hindi naman nag-iisa si Mr. Tesdaman, kasama niya sa mga inasunto sina dating Department of Agriculture (DA) Secretary Arthur Yap, ang staff niyang si Ronald Samonte, DA employee Delia Ladera, NABCOR representatives Alan Javellana, Romulo Relevo, Ma. Julie Villaralvo-Johnson, Rhodora Mendoza, at Maria Ninez Guanizo; at si Aaron Foundation Philippines, Inc. (AFPI) President Alfredo Ronquillo.
Sabi raw kasi sa proyekto, gagamitin ang PDAF allocation ni Sen. Villanueva sa pagbili ng seedlings ng pechay, radish, sitaw, okra, hybrid yellow corn, liquid fertilizers at threshers mula sa MJ Rickson Trading Corporation para sa mga residente sa Pantukan, Nabunturan, Tambongon, Bongabong, Napnapan, Mipangi, Anislagan at Magsaysay sa Compostela Valley province.
Pero sa imbestigasyon ng Ombudsman, walang sino man sa listahan ng mga benepisaryo ang registered voter o residente sa lugar.
Kinompirma rin ng mga lokal na opisyal na walang agri-based livelihood projects na naipatupad ang AFPI.
Wattafak!?
Walang ibang puwedeng gawin si Tesdaman kundi ang umapela at idepensa ang sarili niya sa isyung ito.
Puwede rin namang i-pray over siya ng kanyang tatay at ng buong simbahan para maiwaksi ang kamalasan.
Kailangan lang magdasal at manalig si Mr. Tesdaman para tumalab ang pray over.
Hindi ba tatay Eddie?!
PANSAMANTALA, puwedeng gayahin ni Senator Joel si Rep. Ruffy Biazon at si Sen. JV ejercito, na kusa na siyang magbakasyon para naman makita ng tao na mayroon siyang delicadeza.
Ano sa palagay ninyo, Mr. Tesdaman?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap