MAIHAHAMBING itong si Sen. Risa Hontiveros sa bawang. Pansinin ang babaeng mambabatas, nakasahog lagi sa lahat ng isyu at parang ginigisa kung makialam sa mga usaping bayan kahit hindi niya dapat sawsawan.
Simula nang pasukin ni Risa ang mundo ng politka, tila eksperto lagi sa lahat ng isyu, at kulang na lang pati ihi ng butiki at ipis ay kanya na rin pakialaman. Alam ni Risa kung paano paiikutin ang media, kaya mabilis na nagbibigay ng reaksiyon para mapag-usapan siya sa radyo, telebisyon, diyaryo at maging sa social media.
Pero kamakailan lang, nakatikim ng supalpal itong si Risa. Hindi kinaya ng kanyang powers ang Senado nang ibasura ang kanyang resolusyon na naglalayong magkaroon ng collective position ang mga senador na kontrahin ang paglilibing kay Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Sa kabila ng desisyon ng Supreme Court na kumakatig sa paglilibing kay Marcos, pilit na ikinakatuwiran ni Risa na hindi bayani at hindi dapat mailibing sa LNMB. Pero hindi makita ni Risa ang argumento ng SC na si Marcos ay isang dating pangulo at sundalo na may karapatang mailibing sa LNMB.
Ang naging desisyon ng SC ay walang kaugnayan sa usapin kung si Marcos ba ay bayani o hindi.
Kaya nga, bakit parang bulag si Risa at hindi makuha ang punto ng SC? Siguro dapat paliwanagan si Risa ng mga kaibigan niyang abogado para hindi nagmumukhang nakikisawsaw na naman para siya ay mapag-usapan.