MARAMING fans ni Sarah Geronimo ang nagbunyi dahil muling nagbigay ng karangalan sa bansa ang Pop Princess matapos magwagi sa 2016 Classic Rock Awards sa Tokyo, Japan.
Nasungkit ni Sarah ang Best Asian Performer award sa annual Classic Rock Awards at personal iyong tinanggap ni Sarah na ginanap ang event sa Ryogoku Kokugikan Stadium, Tokyo.
Ayon sa balita, pinalakpakan ng bongga ang performance ni Sarah na nakasama niya ang isa pang Kapamilya singer na si Bamboo.
Ilan pa sa nag-perform sa Classic Rock Award 2016 ay sina Joe Perry, gitarista ng Aerosmith at ang miyembro ng Megadeth na si Dave Mustaine.
Noong Setyembre, nominado rin si Sarah sa Best Southeast Asian Act sa MTV Europe Music Awards.
At matapos ang tatlong buwang pamamahinga, balik-trabaho na uli si Sarah katunayan, abala siya ngayon sa promo ng kanyang bagong album.
Congrats Sarah!
***
IGINIIT ni Direk Erik Matti na ibang-iba ang kuwento ng OTJ The Series sa pelikulang pinagbidahan nina Joel Torre, Piolo Pascual, at Gerald Anderson.
Aniya, kung sa pelikula’y ang mga nakawiwindang na kaganapan sa kulungan at problema sa droga ang ipinakita, sa serye ay tututukan naman ang mundo ng media at ang mga buhay-buhay ng politiko sa bansa.
Si Bela Padilla ang isa sa magiging sentro ng kuwento na gaganap na palaban at walang kinatatakutang journalist, habang sina Dominic Ochoa at Arjo Atayde ay gaganap namang mga politiko na sandamakmak ang itinatagong mga lihim.
“It’s about time that we expand the themes that we started in the original ‘On The Job’ movie. Creating a mini series exclusively for a video on demand service like HOOQ will allow us to explore unique stories para sa ating mga kababayan na gustong makapanood ng kakaibang kuwento na hindi pa nila napapanood sa TV,” esplika ni direk Erik.
Ang OTJ: The Series ay collaboration project ng HOOQ, Globe Studios, at Reality Entertainment na mapapanood na simula sa December.
Kasama rin sa proyektong ito sina Ria Atayde, Neil Ryan Sese, Nonoy Froilan, Smokey Manaloto, Teroy Guzman, Jake Macapagal, Leo Martinez, at Christopher de Leon.
Ayon naman kay Krishman Rajagopalan, HOOQ co-founder at CCO, “HOOQ Originals enhance our best-in-market content offering by adding exclusive local movies and TV series that are made for SVOD, and we are very excited to partner with both Reality Films as well as Globe to produce the first HOOQ original here in the Philippines.”
“We are very excited to finally start production of this new venture as its strengthens our commitment to provide best content for our customers whether they are at home or on mobile. And we believe that Erik Matti’s ‘OTJ’ is the perfect choice given the success of its movie counterpart,” sabi naman ni Globe Senior Advisor for Customer Business Dan Horan.
Hindi lang sa Pilipinas mapanonood ang OTJ The Series na ayon kay Dondon Monteverde ng Reality Entertainment, ang producer ng OTJ movie, plano rin nilang dalhin ito sa Thailand, India, at Indonesia.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio