Friday , November 15 2024

Pangako sa mga nagsisuko sa Oplan Tokhang, natupad ba?

SA kabila na araw-araw ay may napapatay na tulak ng ilegal na droga, bakit kaya tila hindi nababawasan ang bilang ng mga salot?

Naitanong ko tuloy sa sarili ko… hindi  kaya bago manlaban at  mapatay ang isang tulak, siya ba ay buntis at nagluwal ng isa pang adik o tulak?

Nakatatawang katanungan ano? Ang punto lang po natin dito, bakit tila hindi maubos-ubos ang mga tulak sa kabila na itinutumba sila o dapat nagtanda na dahil sa sinapit ng kanilang mga ‘kapatid.’

Kung suriin, balewala pa rin sa mga tulak ang lahat nang nangyayari sa kapaligiran ng buhay-droga nila. Ilan na ba ang napapatay na tulak? Umaabot na rin ito nang libo.

Pero bakit kaya patuloy sa pagbebenta ang iba? Dahil ba sa mas madaling kumita sa pagbebenta ng droga kahit na buhay ang nakataya rito?

Ano ba ang tunay na dahilan para magtulak na lamang uli ang mga tulak?

Kahirapan o kawalan ng trabaho, at mababang pasuweldo ang katuwiran ng ilan sa mga sumuko sa pulisya simula nang ipatupad ang Oplan Tokhang nitong Agosto 2016.

Totoo ang mga katuwiran ng mga nagsisuko pero sapat na dahilan ba ito para sirain ang bansa o ang kinabukasan ng nakararami?

Maalala ko, nang ipatupad ang Oplan Tokhang – ang Quezon City Police District (QCPD) sa ilalim pa ni Chief Supt. Edgardo Tinio pa noon, ang isa sa mga naunang sumunod sa direktiba ng Palasyo.

Sa unang araw ng pagpapatupad, maraming sumukong adik/tulak.  Isa sa ipinangako ng pamahalaan (hindi ng QCPD dahil manghuhuli at magpasuko lang naman ang trabaho ng pulisya) ay tutulungan ang mga suko.

Isa sa pangako ng Palasyo maging ng pamahalaang lungsod ng Quezon, bukod sa ipapasok sa rehabilitation center ang mga adik ay bibigyan din sila ng pagkakakitaan.

Ang tanong, natupad ba ang mga pangakong ito lalo na ang trabahong marangal sa mga sumuko? Kung mayroon man, saan sila ipinasok o anong klaseng pagkakakitaan ang ibinigay sa kanila?

Hindi naman natin ipinagtatanggol ang mga sumuko pero tila hanggang pangako lang ang lahat – walang naibigay na trabaho sa libo-libong suko. Kahit na iyong sinasabing livelihood – wala naman. Hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ang nakararami sa pangako ng pamahalaan.

Sa halip, ang nangyayari ngayon ay lumakas ang hanapbuhay ng mga punerarya dahil sa mga  suko at bumalik sa pagtutulak.

Nasaan ang mga pangakong tutulungang magbagong buhay ang mga suko? Drawing ang lahat – kaya maaaring ang dahilan ng pagbabalik sa pagtutulak ng mga sumuko ay dahil wala silang trabaho o pinagkakakitaan. Pero, tamang katuwiran ba iyon? Mali! Tamad lang kayo!

Marahil, ang ilan sa mga sumuko ay lumakad pa nang sarili para maghanap ng trabaho pero dahil walang mapasukan o hindi pumasa sa inaplayang kompanya, minabuti na lamang nilang magtulak muli. Ayaw daw kasi nilang magutom lalo na ang kanilang mga anak. Mali pa rin kayo mga ungas!

Hindi ko naman sinasabing pamahalaan ang may sala kaya nagsibalikan sa pagtutulak ang mga sumuko.  Ang atin lang naman, sana mabigyan agad ng trabaho ang mga sumuko – trabaho na ang suweldo ay makatuwiran.

Hayun, dahil hindi natupad ang pangakong trabaho o mabigyan ng pagkakakitaan ang mga suko, balik tulak na lamang sila.

Bukod dito, tila hindi rin natupad ang pangakong bigyan seguridad ang mga sumuko at ‘tumugang’ tulak. Ang mga nagsikanta ay itinumba ng sindikato.

Meaning, wala silang seguridad sa gobyerno o sa pulisya matapos kumanta.

Kaya mas minabuti na lamang magtulak uli dahil wala naman natupad sa pangako ng lokal na pamahalaan sa kanila. Katuwiran nga ng mga sumukong bumalik sa pagtutulak, tutal itinutumba naman sila kahit gusto nilang magpakatino, mas ninais na lamang nilang magbenta uli ng droga. Itutumba rin lang naman sila.

Kailan kaya matatapos ang problema sa droga at ba’t parang dumarami pa rin ang tulak sa kabila na pinapatay sila (matapos na manlaban daw)? Dapat siguro dito ay seryosohin ng pamahalaan ang pangako nila sa mga sumuko para tulyang mabago ang lahat para sa susunod na henerasyon.

AKSYON AGAD – Almar Danguilan

About Almar Danguilan

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *