IDE-DEPLOY simula ngayong araw ang ilang mga tauhan ng PNP Highway Patrol Group (HPG) sa may bahagi ng Commonwealth Avenue, C5 Road at NAIA Expressway.
Ayon sa pamunuan ng PNP-HPG, ang deployment ng kanilang tauhan sa mga nasabing kalye ay aprubado ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT).
Ito ay kasunod sa anunsiyo na traffic enforcers ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na uli ang magmamando ng trapiko sa kahabaan ng EDSA.
Ayon kay HPG spokesperson Supt. Elizabeth Velasquez, dahil bumuti na ang traffic flow sa EDSA kaya ide-deploy sa ibang chokepoints ang ilang miyembro ng HPG.
Sinabi ni Velasquez, nasa 122 traffic enforcers ang itatalaga sa 32.5-kilometer C5 Road na nagdudugtong sa ilang siyudad sa Metro Manila.
Samantala, ayon kay PNP-HPG Director, CSupt. Antonio Gardiola, ang deployment ng kanilang mga tauhan sa tatlong chokepoints ay bahagi ng plans and programs ng council para matiyak na maayos ang daloy ng mga sasakyan hindi lamang sa EDSA kundi sa iba pang mga pangunahing lansangan sa kalakhang Maynila.