‘Gender card’ ginagamit ni Sen. Leila De Lima para makahamig ng simpatiya
Jerry Yap
November 12, 2016
Bulabugin
Sa ibat’ ibang uri ng batas at maging sa katotohanan ng buhay, gender card ang isa sa matibay na kalasag ng mga kababaihan.
Ladies, please, huwag po kayong magalit sa inyong lingkod.
Pero gusto lang nating sabihin, ang gender card ay dapat nating ituro sa mga babaeng biktima ng paglabag sa Violence Against Women & Their Children Act (R.A. 9262).
Hindi ito dapat kasangkapanin ng isang babaeng nasa kapangyarihan at inaakusahang sangkot sa isang uri ng krimen.
Ang dapat niyang gawin, labanan niya nang punto por punto ang akusasyon laban sa kanya.
Puwede bang ikatuwiran niya sa korte, kaya siya inaakusahan na sangkot sa ilegal na droga ‘e dahil babae siya?!
Hindi ba mayroon nang distorsiyon kapag ganoon?!
Actually, tila isang karerista si Sen. De Lima nang maghain siya ng test case sa Supreme Court.
Kumbaga nag-longshot siya.
Iisipin ng iba, na malayo ito sa kasong inihain laban sa kanya ng estado, pero sa paghahain niya ng writ of amparo at writ of habeas data tila nahadlangan niya ang pagkilos ng estado na makapangalap ng ebidensiya sa akusasyon na may kaugnayan siya sa operasyon ng sindikato ng ilegal na droga sa bansa.
Bukod sa legal na hakbang, ito ay maaaring bahagi rin ng kanyang propaganda at paglilinis ng pangalan sa publiko.
Matalinong tao si Madam Leila, hindi siya papayag na maigupo nang ganoon na lamang.
Alam natin na bilang isang BAR topnotcher, kayang-kayang gamitin ni Madam Leila ang batas para ipagtanggol ang kanyang sarili.
At ‘dun din mismo ang gusto nating sabihin sa kanya, argumentong batas sa batas ang gamitin niya, at huwag niyang gamitin ang kanyang pagkababae para makahamig ng simpatiya.
Magtataka pa ba kayo kung bakit hindi siya sinusuportahan ng Gabriela?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap