NAKABIBILIB naman talaga ang City Director ng Baguio City Police Office na si Supt. Ramil Saculles.
Bakit naman? Akalain ninyo, mas mabilis pa sa alas-kuwatro ng umaga kapag siya’y umaksion o tumugon sa anomang sumbong o impormasyon na nakararating sa kanyang tanggapan.
Hindi na siguro nakapagtataka ito dahil kung pagbabasehan ang kampanya ni Saculles laban sa kriminalidad sa lungsod para sa seguridad ng mga mamamayan, masasabing malaki ang ibinaba ng krimen sa summer capital ng Filipinas – ang Baguio City.
Teka, e ba’t naman natin nasabing nakabibilib ang opisyal at mabilis kapag umaksiyon?
Nito po kasing Martes, inilathala natin ang impormasyon o sumbong na nakarating sa inyong lingkod hinggil sa peryahan na matatagpuan sa slaughter house compound, sa Barangay Sto. Niño, Baguio.
Pinatatakbo ng isang alyas “Paula” ang peryahan. Peryahan? Ba’t piyesta ba sa lugar kaya may peryahan? Peryahan ba ito o perya-sugalan? Nagtatanong lang po.
Sa info na ipinarating sa AKSYON AGAD, ang peryahan ay paboritong tambayan ng mga adik/tulak. Dito sila nagpapalipas ng oras habang naglalaro. Naglalaro o nagsusugal? Sugal? Akala ko perya, ba’t may sugal?
Ano pa man, tinawagan natin ang pansin ni Saculles nitong nakaraang Martes para aksiyonan o silipin ang hinggil sa sumbong laban sa perya-sugal este peryahan pala.
Hayun, ayon sa huling info na nakalap natin, agad na tumugon si City Director – hindi lamang ang perya ni alyas Paula ang kanyang inaksiyonan kundi maging ang ilan pang pasugalan sa lungsod. Ha! Mayroon pa palang ibang laro sa lungsod.
Oo, pinakilos ni Saculles ang kanyang mga tauhan – kaya, tigil na ang mga sugal-lupa sa lungsod. Ilan naman kaya ang naaresto at kinasuhan? Ilan nga ba sir? Paki-email na lang po ng detalye sa [email protected] para mailathala natin.
Isama na rin pala ninyo ang accomplishment ng BCPO hinggil sa kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga sa lungsod. Batid po namin na matagumpay ang inyong kampanya o pagpapatupad sa Oplan Tokhang.
Anyway, in fairness naman sa BCPO o kay Saculles sampu ng kanyang mga opisyal at tauhan sa iba’t ibang police station ng BCPO. Malaki ang ibinaba ng pagkakalat ng droga sa lungsod. Bagamat hindi naman talamak ang tulakan ng shabu sa Baguio City kompara sa Metro Manila.
Sa datos na nakalap natin, mahigit na rin sa 1,100 (plus) ang sumuko sa pulisya – 115 dito ay kompirmadong tulak habang ang nalalabi ay drug users. May mga nadakip din sa isinagawang buy-bust operations.
Samantala, isa sa kilalang drug personalities ng lungsod na si Dante Viduya ay itinumba ng hinihinalang sindikato noong Agosto 31, 2016 sa lungsod. Pero bago itinumba ng riding-in-tandem si Viduya, siya ay minsan na rin kinatok at pinakiusapan ng mga pulis Baguio para sumuko bilang pagpapatupad sa Oplan Tokhang pero hindi sumuko si Viduya sa ‘di malamang kadahilanan.
Sa record ng BCPO, si Viduya ang No. 1 sa drug watch list ng BCPO Station 3.
Katunayan, ikinalulungkot din ng BCPO ang nangyari kay Viduya na sinikap nilang tulungan.
Kaya para maiwasan maulit ang insidente, patuloy na nananawagan ang BCPO o si Saculles sa mga kilalang drug personalities sa lungsod na sumuko na para matulungang makapagbagong buhay. Tutulungan din sila ng city government – bibigyan ng livelihood o marangal na pagkakakitaan.
Ngayon, dahil sa matagumpay na pagpapatupad ni Saculles o ng mga bumubuo ng BCPO, sa kampanya laban sa droga bilang suporta sa giyera ni Pangulong Digong laban sa droga, lalong nanaig ang kaayusan at kapayapaan sa sa Baguio City. Mas lalong masarap nang gumala sa lahat ng sulok ng lungsod. Karamihan kasi sa mga adik ang nasa likod ng mga krimen sa lungsod. Pero ngayon, wala na silang lugar sa Baguio dahil sa mahigpit na kampanya ni Saculles at BCPO laban sa kriminalidad at ilegal na droga.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan