HALOS anim na buwan na ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Digong Duterte pero hanggang ngayon, wala pa ring kongkretong solusyon na ginagawa ang pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) para matugunan ang malalang problema sa trapiko.
At dahil sa kapalpakan ni Transportation Sec. Arthur Tugade sa pagpapatakbo sa kanyang tanggapan, napilitan na rin ang Commission on Appointments na i-bypass siya bilang pinuno ng DOTr.
Ipinagpipilitan ni Tugade na mabibigyan lamang ng solusyon ang malalang problema sa trapiko sa Metro Manila kung pagkakalooban ng emergency power si Duterte na kinokontra naman ng hindi iilang mga mambabatas sa Kongreso.
Habang tumatagal sa kanyang puwesto si Tugade, patuloy ang kalbaryo ng mga pasahero at motorista sa Metro Manila dahil sa patuloy na krisis sa trapiko na pinalala pa ng madalas na aberya ng Metro Rail Transit o MRT.
Inutil itong si Tugade. Kung magtatagal pa sa kanyang puwesto, malamang na malagpasan pa niya ang kapalpakan ni dating DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya na pinabayaan ang problema sa trapiko.
Walang dapat na aksayahing oras si Duterte. Nasa kanyang kamay para sibakin na niya si Tugade.