ITINANGGI ng abogado ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., ang mga balita sa social media na sinasabing namatay ang dating senador.
Sinabi ni Atty. Rean Balisi, nasa mabuting kalagayan ang 50-year-old actor-turned-politician na kinakailangan lang sumailalim sa iba pang mga laboratory test.
Kaugnay nito, pinagbigyan ng Sandiganbayan first division ang mosyon ng kampo ni Revilla Jr., na manatili sa St. Luke’s Medical Center hanggang ma-discharge ngayong araw o bukas.
Ayon sa anti-graft court, humananitarian reasons ang kanilang naging dahilan upang pumayag sa hirit ni Revilla na pansamantalang manatili muna sa ospital.
Magugunitang nitong Sabado, itinakbo sa ospital ang senador dahil sa altapresyon, matinding pananakit ng ulo at pagsusuka.
Batay sa pinakahuling medical bulletin na inilabas ng St. Luke’s Medical Center, na-diagnose si Revilla na mayroong acute migraine headache, tenosynovitis sa kanang balikat, reactive hypertension, esophagitis at non-erosive gastritis.
Maaari nang ma-discharge ang senador depende kung wala nang mararamdaman na mangangailangan nang agarang medical treatment.
Nahaharap sa kasong plunder si Revilla dahil sa sinasabing maling alokasyon ng kanyang milyong pisong pork barrel fund, na inilaan sa bogus sa non-government organization (NGO) ni Janet Lim Napoles.
Kinasuhan din siya ng graft kaugnay sa maanomalyang disbursement ng kanyang priority development assistance fund (PDAF) mula taon 2006 hanggang 2010.