SA press screening ng Kusina noong Agosto, ipinagmalaki ng lead star na si Judy Ann Santos-Agoncillo ang naging epekto ng pelikulang ito sa kanya.
“As you get older, naghahanap ka ng mga pelikula na magpapangiti sa puso mo…I’m so thankful na binuhay nitong ‘Kusina’ ‘yung passion ko for acting,” sambit ng aktres na dalawang taong nagpahinga sa showbiz.
Para masabi ito ng isang mahusay na aktres ay nangangahulugan lamang na de-kalidad ang pelikulang ito na handog ng Viva Films at Cinematografica.
Sa katunayan, ang Kusina ay naging nominado bilang Best Film sa Cinemalaya Film Festival.
Ang Kusina ay tungkol sa buhay ni Juanita na ginugol ang buong buhay sa pagluluto. Ito ay impluwensiya ng kanyang lola na siyang nag-alaga sa kanya nang mamatay ang kanyang ina sa panganganak. Hindi makalilimutan ni Juanita ang payo ng kanyang lola: “Kapag nagluluto ka, lagi mong iisipin kung sinong ipinagluluto mo. Kapag nasagot mo na ‘yan, alam mo na kung anong lulutuin mo.”
Sa paglipas ng panahon, iba’t ibang putahe ang inihahanda ni Juanita para sa kanyang ama, lola, asawa, mga anak, at mga kaibigan. Sa gitna ng lahat ng ito, makikita ang pagbabago ng kanyang relasyon sa bawat isa. Ngunit habang abala siyang busugin at pasayahin ang iba, napagbibigyan rin ba ni Juanita ang kanyang sariling kagustuhan?
Sa ilalim ng direksiyon nina Cenon Palomares at David Corpus, ang Kusina ay base sa screenplay ni Palomares na nanalo ng grand prize sa 56th Don Carlos Palanca Memorial Awards in Literature noong2006.
Ang mga paboritong putaheng Pinoy tulad ng pinakbet, sinigang, dinuguan, at adobo ay ilan sa mga tampok na pagkain sa pelikulang ito. Lahat ng eksena ay makikita sa loob ng kusina kaya mahihikayat ang mga manonood na gamitin ang kanilang imahinasyon kung ano ang nangyayari sa mundo base sa mga kuwento ng mga taong pumupunta kay Juanita.
Si Gloria Sevilla ang gumaganap na lola ni Juanita, samantalang si Joem Bascon ang asawa niyang si Péles, at si Luis Alandy ay si Alejandro, ang isa pang lalaki sa kanyang buhay.
Lasapin ang sari-saring emosyon sa comeback film na ito ni Juday. Palabas na ang Kusina sa mga sinehan simula Nobyembre 9, 2016.