NGAYONG mainit na pinag-uusapan ang paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB), ang usapin sa kompensasyon o kabayaran sa mga biktima ng Batas Militar ay napagtutuunan din ng pansin.
Sa kasalukuyan ay ipinoproseso na ng Human Rights Victims Claims Board ang aplikasyon para sa kompensasyon ng may 75,000 claimants na sinasabi na pawang mga biktima umano ng Batas Militar.
Pero hindi iilan ang nagtatanong kung tama ba ang ginagawang ito ng mga claimant, lalong-lalo na yaong mga lantarang lumaban sa rehimeng Marcos o dating mga aktibista, puwersa” at mga combatant. Ang paglaban kasi sa rehimeng Marcos noon ay maituturing na isang sagradong obligasyon na handang buwisan ng buhay para sa kalayaan. Hindi ito nababayaran, wala dapat itong kapalit.
Tanging mga inosenteng sibilyan o sila na hindi lumaban sa rehimeng Marcos ang maituturing na lehitimong claimant. Sa gitna ng labanan ng nag-uumpugang-bato sila ay naipit o nadamay. Sila ang tunay na biktima ng Batas Militar ni Marcos.
Kaya nga, nakahihiyang makita ang isang claimant na parang timawang nakapila at nanghihingi ng kabayaran sa ginawa niyang paglaban sa rehimeng Marcos.
Ang pakikibaka ay hindi naipagbibili, bagkus ito ay inaalala, ginugunita at sinasariwa para pakinabangan ng mga susunod na salinlahi.