INILABAS na ng UNTV ang listahan ng mga magiging hurado para sa kanilang taunang A Song of Praise (ASOP) Music Festival na gaganapin sa Nobyembre 7, Lunes, sa Araneta Coliseum, 7:00 p.m..
Pangungunahan ng Superstar na si Nora Aunor ang listahan ng mga magiging hurado sa ikalimang taon ng ASOP Music Festival. Kasama rin sa magja-judge ang magaling na singer na si Jed Madela, ang magagaling na kompositor Mon de Rosario, Trina Belamide, Jonathan Manalo, at ang peryodista at editor ng Manila Standard na si Isah Red.
Lindalawang New Songs of Praise ang nakasali sa ASOP MusicFest ngayong taon na magwawagi ng P500,000 cash ang Grand Winner at may consolation price na P20,000, samantalang makakakuha ng P50,000 ang mapipiling People’s Choice Award.
Ang 12 awiting magtutunggali sa Lunes ay ang God Will Always Make a Away nina Glenn Bawa at Ronald Calpis, Tapat Mong Pangako ni Gulliver Enverga, Ikaw Lamang ni Jonathan Sta. Rita, Ikaw Pala ni Wilfredo Gaspar, Tanging Ligaya ni Angelica Soriano, Ang Iyong Pangalan ni Romarico Mendiola Jr., Patawarin Mo Ako ni Fernando Gordon, Araw at Ulan ni Joselito Caleon, Pag-ibig Ka, Oh Dios ni LJ Manzano, Mula Sa Aking Puso ni Joseph Ponce, Kumapit ka Lang ni Noemi Ocio, at You Stood By Me ni Vincent Labating.
Guest Performers naman Jayson Dy, Michael Pangilinan, Liezel Garcia, at Leah Patricio.
Ang ASOP Music Fest ay proyekto nina Kuya Daniel Razon (UNTV Chairman at Chief Executive Officer (CEO) at Bro. Eli Soriano ng Ang Ating Daan.
Layunin ng ASOP Music Fest na ipalaganap ang mga salita ng Diyos kaya libre itong naida-download at hindi rin ipinagbibili ang CD na kinapapalooban ng lahat ng kantang naririnig sa nakaraang apat na taong ASOP Music Fest.
( Maricris Valdez-Nicasio )