IPINANALO ng University of the Philippines Manila sa isang mahigpit na kompetisyon ng Newton Agham, katuwang ang mga mananaliksik mula sa Liverpool School of Tropical Medicine ng United Kingdom ang kanilang HIV Gaming, Engaging, and Testing (HIV GET) Project na naglalayong mapabuti ang HIV testing and counselling sa bansa.
Ang proyekto ay maglulunsad ng isang “serious gaming” na application na magiging libre para sa Android at iOS users.
Inilunsad ang proyekto bunga ng tumataas na bilang ng HIV/AIDS sa bansa, na may halos 25 na bagong kaso na nakukompirma araw-araw.
Sa obserbasyon ng Department of Health (DOH), ang mga high risk groups, lalo na ang Men having Sex with Men (MSM), ay posibleng hindi pumunta para magpa-test at ang matagal na proseso ng testing at pagkompirma ay nagdudulot ng hindi pagbalik para sa treatment. Ito ang mga tinitingnang dahilan kung bakit ang Pilipinas ay isa sa may lumolobong problema patungkol sa HIV/AIDS sa buong mundo at kung bakit kinakailangang solusyonan sa pamamagitan ng paghihikayat sa mga tao na sumailalim sa HIV testing at counselling.
“The prevalence is going up… hopefully through this we can increase the testing (through gaming).” ani Dr. Emmanuel Baja, principal investigator ng HIV GET project.
Ang proyekto ay suportado rin ng HIV/STI Prevention Program ng DOH sa pamumuno ni Dr. Jose Gerard Belimac at ng iba pang ahensiya tulad ng PCHRD-DOST at UK-MRC.
Bahagi sa pagbuo ng laro ay ang paggamit ng mga impormasyon na makakalap mula sa mga panayam at sa pagsagot sa survey.
Para sa mga beki at transgender na gustong makibahagi sa survey, may lalabas na link sa mga social networking sites tulad ng Planet Romeo, Grindr, at Growlr na magdidirekta sa survey. Lahat ng impormasyong ibibigay sa survey ay mananatiling confidential kaya hinihikayat ng grupo na sagutin ito ng totoo.
Muli iniuudyok ang LGBT community na sumuporta.