ABSUWELTO sa kasong graft ang dating alkalde ng lungsod ng Makati na si Dra. Elenita Binay.
Ito ay makaraan ibasura ng Sandiganbayan Fifth Division sa 90 pahinang desisyon ang isinampang kaso laban kay Binay.
Kasama sa mga napawalang-sala sina dating city administrator Nicanor Santiago, Jr., dating General Services Department head Ernesto Aspillaga at Bernadette Aquino, opisyal ng Asia Concept International.
Base sa nasabing desisyon, hindi napatunayan ng prosekusyon na nagkaroon nang manipulasyon o nakipagsabwatan ang noo’y Makati mayor sa Asia Concept International para ito ang makuhang supplier ng office furnitures para sa city hall ng Makati na nagkakahalaga ng P21.7 milyon noong taon 2000.
Si Dra. Binay ay nagsilbing alkalde ng lungsod ng Makati noong 1998 hanggang 2001 makaraan bakantehin ng kanyang asawang si dating Vice President Jejomar Binay ang naturang posisyon.
Matatandaan, umabot hanggang sa Senado ang imbestigasyon ng nabanggit na usapin.