INILINAW ni National Security adviser Hermogenes Esperon, walang pormal na kasunduan sina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping para malayang makapalaot muli sa Panatag Shoal ang mga mangingisdang Filipino.
Sinabi ni Esperon, bitin ang naging pag-uusap kamakailan sa China nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jin Ping at hindi natalakay ang usapin ng teritorial dispute sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay Esperon, malakas ang pananalig ni Pangulong Duterte na kapag nagkaharap sila ni President Jin Ping ay hindi na muling itataboy ang ating mga kababayang mangingisda sa Panatag Shoal, na siyang nangyayari sa ngayon.
Sinabi ni Esperon, umiiral na ang pagrespeto ng China sa traditional rights ng ating mga mangingisda dahil muling naibalik ang pagkilala sa bahura o sa paligid ng panatag shoal bilang traditional fishing grounds.
Naniniwala si Esperon, malaking bagay ang pagtungo sa China ni Pangulong Duterte kamakailan para maibalik ang karapatan ng ating mga mangingisda na makapanghuli ng isda sa mayamang likas na yaman ng Scarborough Shoal.