SINABI ni Allen Dizon na hindi niya alam kung ano ang mararamdaman niya matapos purihin ng mga nakapanood sa premiere night ang pelikula nilang Area na pinagbibidahan din ni AiAi delas Alas mula sa BG Productions ni Ms Baby Go kamakailan
Ani Allen, “actually nakatutuwa, nakakakaba, nakaiiyak. Hindi ko alam ang mararamdaman ko, namin after the premiere night,” sambit nito nang makapanayam namin ito sa presscon ng Area. “Nag-world premiere na rin ito sa Kazakhstan. Doon unang napanood ang pelikula at na-appreciate nila, nag-iyakan sila, talagang nakakataba ng puso at nakatutuwa.”
Ang tinutukoy ni Allen ay ang 12th Eurasia International Film Festival sa Almaty, Kazakhstan na nanalo ang Area ng Special Jury Prize.
“Maganda ang review at nakakuha ng Rated A sa Cinema Evaluation Board. Patunay na marami ang nagandahan,” masayang sabi pa ni Allen.
Ani Allen, hindi naman nagtanong sa kanya si Ai Ai bilang siya ang mas sanay sa paggawa ng indie movie nang matanong ang aktor kung humingi ba ng payo sa kanya ang komedyante.
“Hindi naman, kasi mas nag-usap sila ni direk Louie when it comes to the story and acting. Nag-usap lang kami bilang parehong propesyonal. Magkaiba kasi kami ng karakter.
“At magaling siyang artista at mas matagal na siya sa akin,” sambit pa ni Allen.
Ang Area ay isang lugar na matatagpuan sa Pampanga na puntahan ng mga lalaking gustong ‘magpabinyag’.
“Ang istorya ay nangyari lahat sa Area. Hindi ko na kinailangang mag-research tungkol sa Area kasi malapit ako roon, malapit ang bahay namin doon,” anang magaling na actor na sa kabuuan ay mayroon na palang limang tropeo ng pagkilala sa international filmfest at 20 plus naman locally.
Aminado si Allen na napuntahan na niya ang Area. “Nagpunta kami roon minsan noong noong kabataan ko. sikat talaga siya, binyagan ng mga kalalakihan. ‘Pag sinabing Area, roon ka bibinyagan, sikat siya sa Pampanga.”
Ang nasabing lugar ay ang sinasabing red street sa Pampanga.
Overwhelming din para kay Allen ang pagkakabigay ng Raed A ng CEB sa kanilang pelikula. “Bihira ang ganitong pelikula (Area). Sabi nga ni direk Louie, makagawa ka ng ganitong pelikula mahirap na ngayon kasi alam naman nila na hindi ipinalalabas sa SM kasi nga may mga frontal nudity, breast exposure. So ang tapang ng pelikula at hindi ko ine-expect in a way na sexy films siya tapos nakakuha ng Rated A sa CEB.
“Malaking bagay ‘yun (ratings) ‘di ba? For the team, sa amin, as an actor, nakatutuwa,” masayang pagbabalita pa nito.
Natanong naming si Allen kung ano ang mas satisfying sa kanya. Ang gumawa ng indie film o ang mainstream movie? “Siyempre indie film. Kasi ito ‘yung napapansin sa international filmfest. Nakakakuha ng best actor, best actress, best film. It’s more on reality of life and gusto ng mga Filipino.
“Ang nakakalungkot lang, hindi tinatangkilik ng mga Pinoy. Kahit sabihin pa nating ang ganda ng pelikula, ang ganda ng casting, lahat maganda pero hindi pinanonood. siguro kasi, hindi siya feel good movie, kulang sa promo kasi nga small budget lang, compare sa mainstream movie. May kanya-kanyang network na puwede nilang i-promote, i-plug sa TV.
“Acting wise, story wise, mas okey, mas fulfilling as an actor ang indie movie at satisfied sa mga feedback at comment ng mga critic kung gaano kaganda ang pelikula. At mas naa-appreciate ng marami.”
Tampok din sa Area sina Sue Prado, Sancho delas Alas, Sarah Pagcaliwagan, Tabs Sumulong, Ireen Cervantes, at iba pa handog ng BG Productions at mapapanood na sa November 9 na nabigyan ng MTRCB rating na R-18, na ibig sabihin, approved without cuts.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio