“HANGGANG hindi tayo nag-uumpisang mag-ambag nang walang pasubali, walang mangyayari sa wika natin.”
Ito ang binigyang-diin ni Komisyoner Purificacion Delima sa kanyang lektura kahapon sa Pambansang Summit sa Wika ng Kalikasan at Kaligtasan, sa Philippine High School for the Arts sa Makiling, Los Baños, Laguna.
Nagbigay ng oryentasyon tungkol sa Armonisasyon ng mga Ortograpiya ng Wikang Mother Tongue Based sa Ortograpiyang Pambansa si Komisyoner Delima sa dumalong mahigit 150 delegado mula sa iba’t ibang cultural group at indigenous people (IPs).
Kaugnay nito, hinikayat ni Delima ang mga katutubo na gumawa ng ortograpiya na may listahan ng kanilang salita sa sariling wika at salita na katumbas sa Filipino.
Sa panayam sa kanya kahapon, sinabi niyang sa armonisasyon, magiging mas estandarisado ang wika ng IPs at mga katutubo sa pamamagitan ng isang ortograpiya.
Aniya, “Ang wika na may ortograpiya ang magpapalakas ng social identity ng mga IP at katutubo.”
Bukod dito, sa pamamagitan ng summit at pagsagawa ng ortograpiya, inaasahang makalilikom ang komisyon ng mga katutubong salita at kultura na may kinalaman sa kalikasan at kaligtasan.
Samantala, ibinahagi ni Delima na kailangan ng malalim na kaalaman, pagsisikap at sinseridad mula sa IPs at cultural group para maisagawa ang ortograpiya at mailimbag.
Sa kasalukuyan, mayroong limang ortograpiya ng wika ang nailimbag ng KWF, ang Ortograpiya ng Kapampangan, Pangasinan, Itawit, Paranan, at Malaweg.