ZAMBOANGA CITY – Masusing iniimbestigahan ng pulisya ang pagpatay sa isang babaeng pulis sa national highway ng Sitio Mialim, Brgy. Vitali, Zamboanga City.
Ang biktimang si PO1 Peggy Lynne Vargas Villamin, 40, ay isa sa 15 pulis mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na ipinadestino sa Police Regional Office-9.
Residente siya ng Brgy. Marilao, Bulacan City, at nakatalaga sa Zamboanga City Police Station-1.
Sa report ng pulisya, hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang biktima dahil sa maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan.
Napag-alaman, si Vargas ay isa sa 13 tauhan ng NCRPO na pinarangalan ng “Medalya ng Kagalingan” ng Department of Interior and Local Government noong Oktubre, 2015 dahil sa matagumpay nilang anti-drug operation sa Quezon City.
Nabatid na sa naturang operasyon, limang Chinese national ang naaresto at nakuha sa kanila ang 10 kilo ng shabu.
Bukod sa anggulo ng kanyang trabaho bilang pulis, tinitingnan din ng pulisya ang posibleng motibo na may kaugnayan sa kanyang personal na buhay.