UMANI ng iba’t ibang komento – negatibo at positibo ang pagbisita at pakikipagkaibigan ni Pangulong Duterte sa bansang China maging ang pagbatikos sa bansang Amerika at pakikipagkalas sa mga Kano.
Nandiyan iyong mga nagsasabing, mali ang ginawa ng Pangulo sa paghayag na makikipagkalas na siya (ang bansang Filipinas) sa Amerika.
May mga nagsabi rin, ibinenta na ng Pangulo ang bansa sa China para lamang makapangutang. Nangako raw ang Tsina na pauutangin tayo nang mahigit sa nine billion dollars (ba?) o pesos? Ang laking halaga nito ha.
Ano pa? Mali rin daw ang pakikipag-alyansa sa China dahil nga isang komunistang gobyerno ang bansa. Natatakot ang ilan na baka raw paggising natin sa umaga ay China na ang nagpapatakbo sa bansa.
Teka, hindi naman po tayo nakipag-alyansa. Nakikipagkaibigan lang po.
Hindi lamang ito ang mga negatibong komento laban sa ginawang hakbangin ng Pangulo kundi marami-rami pa.
Sa kabilang dako naman, wala raw silang nakikitang mali sa ginawa ng Pangulo. ‘Ika nga nila, masama bang makipagkaibigan sa China tulad ng pakipagkaibigan ng bansa sa Amerika, at iba pang bansa?
May mga nagsabi rin, huwag agad husgahan ang Pangulo sa ginawang pakikipag-ugnayan sa China at sa halip, hintayin muna ang bunga ng hakbangin ng Pangulo.
Sabi pa nila, hindi naman basta-bastang sasabak ang Pangulo kung walang siyang nakikitang magandang resulta nito ( ang pakikipagnegosyo sa China) sa kinabukasan para sa bansa.
Marami pa, negatibo at positibong pagpuna sa ginawa ng Pangulo. Kung atin naman isusulat ito, malamang wala itong katapusan dahil magpahanggang ngayon ay marami pa rin ang satsat nang satsat laban at pabor kay PDigong
Pero ano pa man, ang mga komento ay inirerespeto ni Pangulong DU30. Aniya nga, karapatan ng lahat ang magsalita o magkomento lalo na’t nasa democratic form of government ang bansa.
Ang lahat ay malayang magpahayag ng kanilang nais. Karapatan daw natin ito. Kunsabagay, ilan beses nang napatunayan na malaya pa rin ang lahat na makapagsalita – pabor man o laban sa Pangulo.
Isa nga sa patunay ay si Agot Isidro na malayang inihayag ang saloobin niya laban kay PDigong. Pero nagalit ba ang Pangulo? Hindi at sa halip, anang Pangulo ay kanyang inirerespeto ang lahat.
Kaya kung inaakala nang marami na napakadelikadong magsalita ngayon laban kay Duterte, mali ang inakalang ito. Malaya pa rin ang lahat pero iyon nga lang, huwag lang mapikon sa pagbira sa inyo ng Dutertants – 15 million Pinoy ang makakalaban ninyo. Meaning, malaya pa rin ang lahat sa administrasyong Duterte.
Ngunit, hindi ba mas maigi kung ang lahat ay magkaisa> Suportahan muna ang anomang programa ng gobyerno… at kapag maramdaman nang mali na po, saka tayo magngangawngaw para gisingin ang gobyerno Duterte.
Tulad ng sinabing pakikipagkalas sa Amerika, hindi naman daw tayo tuluyang makikipagkalas kundi nais ng Pangulo na maging dependent naman daw tayo.
Matagal-tagal na nga ring ‘pinatatakbo’ ng Amerika ang bansa – maraming Pinoy ang tila sinasanto ang Amerika pero sa kabila ng lahat, bibihirang Pinoy ang nakikinabang sa pag-uto-uto ng US sa bansa.
Hayun sa sobra pang pagtingala sa Amerika, lalong lumalaki ang ulo ang gobyernong puti. Sa pagkuha nga lang daw ng visa papuntang Amerika, masyado tayong pinahihirapan ng Amerika. Ibig sabihin, kakapiranggot ang pagtitiwala ng Amerika sa mga Pinoy.
Nasaan ang sinasabi ng Amerika na inirerespeto nila ang mga Filipino o itinuturing nilang kaibigan ? Sa pagkuha ng US visa nga na lang pawang deny ang ipinauuwi nila sa mga Pinoy na kukuha sa embahada. Dito pa lamang, makikitang hindi tapat ang Amerikano sa mga Pinoy. Wala silang katiwatiwala sa mga Pinoy.
Kaya, hindi natin masisi ang Pangulo kung panay ang tirada niya laban sa bansa ni Uncle Sam, kaunting pabor lamang ang hinihingi ng iilang Pinoy, ipinagdadamutan pa. Pero sa totoo lang naman, napakalaki ng pakinabang ng US sa bansa.
Uli, wait and see muna tayo sa programa ni PDU30 sa negosyong pinasok niya sa bansang China. Hindi naman siguro ibinenta ni PDigong ang bansa?
AKSYON AGAD – Almar Danguilan