Cultural commissions pambayad utang lang ba talaga!?
Jerry Yap
October 25, 2016
Bulabugin
UNA nating narinig ito noong maging maingay ang pagtatalaga kay singer/composer Freddie “Kaka” Aguilar sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) bilang chairman.
Gusto kasi ni Kaka na bumuo si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ng department of culture and arts na kanyang pamumunuan.
At sa pamamagitan daw nito, magsusulong siya ng “cultural revolution.”
Wattafak!?
E wala pa ngang department of culture and arts kaya ang inialok kay Ka Freddie ‘yung chairmanship ng NCCA.
Ang siste, hindi naman pala itinatalaga ng Office of the President ang NCCA chairmanship.
Ito ay inihahalal ng 15-member Board of Commissioners mula rin sa iba’t ibang cultural commissions gaya ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), National Historical Commission of the Philippines, Cultural Center of the Philippines (CCP), at National Library.
‘Yan ang rason kung kaya’t naunsiyami ang pagkakatalaga kay Kaka bilang chairman ng NCCA.
In short, hindi siya qualified.
Nang maglabas si Pangulong Duterte ng Memorandum Circular No. 04, isa si National Artist Virgilio Almario na nanunungkulang chairman ng KWF sa mga naghain ng courtesy resignation.
Nagbibitiw siya bilang chairman KWF at hindi commissioner.
Ang balita, mukhang tinanggap ng Palasyo ang resignasyon ni Ka Rio Alma.
Ayon sa ilang kahuntahan natin na mga taga-Malacañang, kinausap na si Commissioner Almario na tatanggapin ang kanyang resignasyon.
Ang ipapalit umano ay walang iba kundi si Ka Freddie.
Pero inirerekomenda ng Pambansang Alagad ng Sining na si Rio Alma ang isa pang mahusay na Commissioner ng KWF, si Dr. Purificacion Delima (hindi po kamag-anak ni Leila De Lima).
Si Dr. Delima ay isa sa ating mga pinagpipitaganang linguist mula sa UP Baguio.
Hindi natin minamaliit si Kakang Freddie.
Aba, hindi rin biro ang mga karanasan at achievements ni Kaka sa musika bago marating ang kanyang kinalalagyan ngayon.
Pero ang punto lang natin, nauukol ba o hindi sa kanya ang nasabing posisyon!?
Masasabi nating mga Dalubwika ang nasa KWF. Hindi tumitigil sa pananaliksik, pag-aaral at patuloy na nagtuturo para iangat ang ating wikang Filipino.
Sabi nga sa mga biruan ngayon, “Freddie, mag-aral kang mabuti…”
Sa ganang atin, kung talagang bibigyan ng puwesto ni Pangulong Digong si Kaka, dapat ay ‘yung ‘karugtong ng bituka’ ng mga banda o entertainers na kasabayan niya noong 1970s sa Gapo, sa Japan, Singapore, Hong Kong, China at sa iba pang bansa.
Sila ‘yung mga banda na nag-akyat nang nag-akyat ng dolyares sa ating bansa pero nang humina na ang industriya at bumalik na sila sa bansa, gutom ang inabot nila dahil walang naihandang programa sa kanila ang pamahalaan.
Alam na alam ni Kaka ang kondisyon ng mga bandang ‘yan.
Kaya sana, matumbok niya kung anong kaukulang ahensiya ng pamahalaan siya makapaglilingkod sa mga kapwa niya musikero.
Paano mabibigyan ng trabaho ‘yung mga nandito sa bansa at kung paano sila mailalahok sa mga programang nagbibigay ng benepisyo para sa mga retiradong overseas Filipino workers (OFWs).
Kaka, ‘wag ‘yang KWF o NCCA ang pagnasaan mo. Sasakit ang ulo mo riyan at baka maging kaawa-awa o maging katatawanan ka kapag tinanggap mo ang puwestong ‘yan.
Be wise, Kaka!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap