UMABOT sa mahigit P2 bilyon ang halaga ng pinsalang iniwan ng Bagyong Lawin sa northern Luzon.
Ito ay batay sa inisyal na pagtaya ng mga lokal na pamahalaan.
Sa ulat na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang estimate damage sa impraestruktura ay umabot sa P1,402, 245,000 at ang danyos sa agrikultura ay nasa P645,515,777.90.
Kabilang sa mga lugar na matinding napinsala ay Ilocos region, Cagayan Valley, Central Luzon at Cordillera Administrative Region (CAR).
Iniulat din ng NDRRMC, umabot sa P10,610,407 ang halaga ng tulong na naipamahagi ng DSWD sa mga apektadong pamilya mula sa apat na rehiyon.
Nasa kabuuang 48,521 pamilya o 228,695 indibidwal ang nawalan ng tirahan dahil sa supertyphoon.
Sa kabilang dako, nasa 13,966 kabahayan ang nasira dahil sa bagyong Lawin.
Ayon sa NDRRMC, sa nasabing bilang, 2,025 ang totally damaged habang 11,941 ang partially damaged mula sa apat na rehiyon.
Nasapol ni Lawin
FINANCIAL AID SA OFWS
NAKAHANDA – BELLO
CAUAYAN CITY, Isabela – Naglaan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng P30 milyon pondo mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para bigyan ng financial assistance ang pamilya ng overseas Filipino workers (OFWs) na sinalanta ng bagyong Lawin sa Isabela at Cagayan.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III sa kanyang pagdalaw sa mga kababayang sinalanta ng bagyo sa Ilagan City, mabibigyan ng P5,000 financial assistance ang bawat pamilya ng OFWs na biktima ng kalamidad.
Ayon kay Bello, sa Isabela at Cagayan ay mayroon kabuuang 68,442 pamilya ng OFWs na bibigyan ng tulong pananalapi.
May ginagawa na silang sistema para ang asawa o anak mismo ng documented OFW ang kukuha ng financial assistance.
Maaari silang pumunta sa provincial at regional offices ng OWWA.
Samantala, magpapatupad din ang DoLE ng emergency employment program sa loob ng 10 araw na may minimum na sahod na P300 kada araw sa mga nawalan ng trabaho sa pagtama ng kalamidad.
Ayon sa kalihim, sinabihan na niya ang mga mayor na magbigay ng listahan ng mga dapat mabiyayaan sa emergency employment program.
Samantala, tuloy ang dalawang araw na job fair ng DoLE sa Alibagu, Ilagan City sa Oktubre 28 at 29, 2016.
Ito ay kaugnay ng pangangailangan ng nurses, caregiver at skilled workers sa Germany, Japan, Singapore at iba pang bansa.
Sinabi ni Bello, government to government ang transaksiyon kaya walang placement fee na babayaran ang mga aplikante.