ILOCOS SUR – Naiahon na ang bangkay ng dalawang sakay nang bumagsak na eroplano sa baybaying barangay ng Sabangan sa Ilocos Sur.
Makaraan ang search and retrieval operation ng mga diver ng Philippine Coast Guard nitong umaga ng Sabado, nakita na ang bangkay ng flight instructor na si John Kaizan Estabillo, 21-anyos, ng Parañaque City, at student pilot na si Paula Bianca Robles, 25, sa loob mismo nang lumubog na Cessna plane.
Nasa 20-talampakan ang lalim nang pinaglubugan ng eroplano ng Leading Edge International Aviation Company na nakabase sa San Fernando City, La Union.
Dinala ang mga labi ng mga biktima sa Candon General Hospital habang hinihintay pa ang chopper na magdadala sa mga bangkay pauwi ng Maynila.
Nauna rito, umalis sa Vigan ang Cessna plane upang magpunta sa siyudad ng San Fernando nitong Biyernes.
Batay sa inisyal na impormasyong natanggap kamakalawa ng rescue center, tumama ang two-seater plane sa zipline cable na nagresulta sa pagbagsak nito.