Monday , December 23 2024

12 patay kay Lawin — NDRRMC

UMABOT sa 12 indibidwal ang namatay sa paghagupit ng bagyong Lawin.

Ngunit lima kanila ay patuloy na bina-validate upang matiyak na namatay sila dahil sa bagyo, kabilang dito ang tatlong nawawala.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) spokesperson Romina Marasigan, ang lahat ng mga namatay ay galing Cordillera region at karamihan ay natabunan ng lupa habang natutulog.

Sinabi ni Marasigan, ilang evacuees ang umuwi kahapon ngunit mayroon pang higit 10,000 pamilya ang nasa higit 300 evacuation center sa Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Mountain Province, Ilocos Norte, La Union, Pangasinan, Cagayan, Isabela, Quirino, Aurora, Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga, Zambales, Batangas, Quezon, Rizal, Camarines Norte at Sorsogon.

Habang 38 pasahero ang stranded pa rin sa mga pantalan ng Aparri at Dan. Bicente sa Cagayan dahil sa malakas na alon.

Samantala, wala pang supply ng koryente sa ilang bahagi ng Regions 1, 2, Cordillera at Calabarzon ngunit sisikapin ng gobyerno na maibalik agad ang supply ng koryente.

P26-M PINSALA SA AGRIKULTURA

UMABOT sa higit P26 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura na idinulot ng supertyphoon Lawin sa gitna at hilagang Luzon.

Sa datos ng NDRRMC, pinakamalaki ang pinsala sa probinsiya ng Kalinga na aabot sa higit P10 milyon ang danyos sa palay, mais at high value crops.

Milyon-milyon din ang halaga ng pinsala sa Abra, Apayao, Ifugao at Benguet.

Habang higit P100,000 pa lamang ang naitatalang halaga ng pinsala sa Mountain Province.

Ayon kay NDRRMC Exec. Dir. USec. Ricardo Jalad, kanilang inaasahan na tataas pa ang halaga ng pinsalang iniwan ng bagyong Lawin.

Ito ay dahil hindi pa nagpapadala ng report mula sa mga probinsiya na apektado ng bagyo at hindi pa tapos ang isinasagawa nilang aerial assessment sa Central at Northern Luzon.

MAHIGIT 20 DOMESTIC, INT’L FLIGHTS KANSELADO

NASA 26 flights ang kanselado pa rin kahapon dahil sa epekto ng supertyphoon Lawin.

Sa abiso ng Manila International Airport Authority (MIAA), pangunahing rason pa rin ang masamang lagay ng panahon at flight adjustment.

Kabilang eito ang walong patungong Hong Kong na dinaanan din ng bagyong Lawin.

Napag-alaman, ilang paliparan ang hindi pa ma-access dahil sa saradong mga lansangan.

Habang ang iba ay may inaayos pa sa kanilang pasilidad dahil nasira ng nagdaang sama ng panahon.

LA UNION TOWNS BINAHA

LA UNION – Sa kabila nang tuluyang paglayo ng bagyong Lawin, patuloy na nakararanas nang pagbaha ang ilang lugar sa lalawigan ng La Union.

Sa bayan ng Luna ay lubog pa rin sa baha ang apat na barangay.

Samantala, bukod sa bayan ng Bangar ay inaasahan madaragdagan ang mga magdedeklara ng “state of calamity” dahil sa iniwang pinasala nang nagdaang bagyo.

Kabilang sa mga nagsuspinde ng klase ng mag-aaral sa lahat ng antas ang mga bayan ng Agoo, Bacnotan, Bangar, Bauang, Balaoan, Rosario, San Fernando City, Sudipen at Sto. Tomas.

Kanselado rin ang klase hanggang sa sekondarya sa mga bayan ng Aringay, Bagulin, Luna, San Gabriel at San Juan.

Sa kabilang dako, aabot sa P16 milyon ang inisyal na danyos ng mga nasirang pananim na kinabibilangan ng palay, mais at gulay dahil sa hagupit ng bagyo.

AMIHAN PAPASOK NA — PAGASA

INIANUNSIYO ng Pagasa, papasok na sa Filipinas ang amihan season o tinatawag din bilang northeast monsoon, sa susunod na linggo.

Ayon kay Pagasa forecaster Gener Quitlong, ito ang panahon na nagkakaroon ang bansa ng bahagyang paglamig ng hangin.

Mula sa karaniwang 25-35 degrees celsius, bumababa ang temperatura nang hanggang 18-22 degrees Celsius.

Bagama’t kaabang-abang ito upang mapawi ang mainit at maalinsangang panahon, may mga kaakibat din itong pagbabago sa pagpasok ng mga bagyo.

About hataw tabloid

Check Also

Muntinlupa

Sa ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag
MUNTINLUPA NAGDIWANG SA DIWA NG TUNAY NA PUSO NG MAMAMAYAN

IPINAGDIWANG ng Lungsod ng Muntinlupa ang ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag na isa sa mahalagang okasyon …

122024 Hataw Frontpage

DSWD relief goods inire-repack  
MALABON SOLON, ASAWA, 1 PA INASUNTO SA OMBUDSMAN

HATAW News Team INIREKLAMO sa Office of the Ombudsman sa kasong Qualified Theft at paglabag …

Chavit, umaariba sa poll ratings

HATAW News Team SA PAG-AKYAT ng kanyang grado mula 14.71% hanggang sa 26%, tila naging …

Barasoain Malolos Bulacan

Pamanang kultural ibinida ng Bulacan sa PH Experience Program ng DOT

IPINAGMAMALAKI ang mayaman at makulay na kultura ng Bulacan, ibinida ng mga Bulakenyo ang pamanang …

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

KASUNOD ng inspeksiyon ni PNP Chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga tindahan ng mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *