Marahas na dispersal sa US embassy dapat busisiin ng PNP hierarchy
Jerry Yap
October 21, 2016
Bulabugin
MARAMI tayong nakikitang naglutangang isyu sa naganap na violent dispersal ng rally sa tapat ng US Embassy nitong Miyerkoles.
Una na, hindi karapat-dapat maging hepe ng Manila Police District-Public Safety Battalion (MPD-DPSB) ang isang opisyal ng pulis na hindi marunong magpatupad ng “maximum tolerance.”
Imbes mag-command ng maximum tolerance, inudyukan ni S/Supt. Marcelino Pedrozo ang mga pulis ng MPD Ermita Station na sugurin at buwagin ang rally ng mga katutubong minorya at iba pang militante.
Swak sa video si Pedrozo habang sinasabi niya ito… “Magkagulo na kung magkagulo, pulis tayo rito e. Puwede ba tayong patalo sa mga ‘yan? Anong mukhang ihaharap natin sa [US] embassy? Kaya i-disperse mo ‘yan.”
Hindi ganyan ang dapat na katangian ng isang police official na ginagawang hepe ng MPD-DPSB.
Ikalawa, bakit kakarampot na pulis ang nagbabantay sa demonstrasyon?
Nasaan ang mga pulis ng MPD Ermita station at MPD DPSB?
‘Nakalubog’ ba ang mas maraming pulis kaya walang nai-deploy si Pedrozo?!
Ikatlo, maliwanag ang utos noon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na huwag pigilin ang mga gustong magprotesta. Sapagkat ‘yan ay freedom of expression. Pero bakit kung kailan wala si PRRD ay saka nag-utos si Pedrozo na buwagin ang rally?! Ano ang intensiyon ni Pedrozo?
Kapisi ba siya ng mga ‘ninja cops’ na nais makaresbak sa pangulo?!
Tanong lang po iyan…
Ikaapat, ano ang napoprobetso ni Pedrozo sa US Embassy at bakit ‘nahihiya’ siya na may masabi ito kung hindi nila mabuwag ang nasabing rally?!
Tuta ba siya ng Kano?
Kay PRRD at sa sambayanang Filipino siya mahiya, hindi sa Kano!
Sonabagan!
Kung hindi tayo nagkakamali, si Pedrozo ay muntik nang mabugbog ng mga vendor sa Divisoria gaya rin nang mabugbog sa Balic-Balic ng mga adik.
Nagtataka tayo kung bakit tila hindi kinatatakutan ng mga vendor na tinatawag niyang ilegal at mga adik na sabi niya’y kanyang hinuhuli at nagagawa siyang lusubin at bugbugin?!
Hindi ba mukhang awtoridad si Pedrozo?
Sa pinakahuling balita, sinibak na sina Pedrozo, Supt. Alberto Barot, station commander ng MPD Station 5, at ang driver ng back-to-back AUV na sumagasa sa mga raliyista na si PO3 Franklin Kho.
Ang iba pang sinibak ay sina Chief Insp. Dionelle Brannon, commander ng Pedro Gil police community precinct; Chief Insp. Elmer Oseo, ng Police Station 5; Chief Insp. Joebie Astucia, chief operations ng Police Station five; Chief Insp. Roberto Marinda, company commander; Chief Insp. Roberto Mangune, company commander ng US Embassy Detail, at si Senior Insp. Edgardo Orongan.
Pero sana, hindi matapos sa pagsibak kina Pedrozo ang insidenteng ito.
Sana’y maging mabilis ang pagsasampa ng kaso sa kanila.
Masusi rin sanang imbestigahan ang track record nila, lalo na ni Pedrozo.
Sa ganyang paraan, mayroong malilinis ang pangalan at mayroong mapapatawan ng parusa para hindi na tuluyang makabalik sa pulisya.
‘Yun lang!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap