IT’S final!
Sigurado nang hindi matutuloy ang eleksiyon para sa barangay at Sangguniang kabataan n a itinakdang magaganap (sana) sa Oktubre 31, 2016.
Ito ay makaraang pirmahan ni Pangulong Duterte ang batas na nagpapaliban sa halalan para sa nabanggit at sa halip, ang halalan ay iniliban hanggang 23 Oktubre 2017.
Bago pa man ganap na naging batas ang pagpaliban sa halalan, nais nang mangyari ito ng Pangulo dahil sa masasamang impormasyong nakararating sa kanya hinggil sa ilang tiwaling barangay officials. Hindi lang ang pangungurakot nila ang nakalap ng pangulo kundi marami-rami ring barangay officials ang sangkot sa talamak na pagkakalat ng ilegal na droga sa kanilang barangay.
Aba’y ganoon naman pala, ba’t kailangan pang iliban ang halalan? Sa pamamagitan ng eleksiyon ay mapapalitan na ang mga kapitan at kagawad na sangkot sa droga.
Hindi daw e, sa halip mas delikado daw kung matutuloy ang halalan ngayon dahil malamang ang perang paiikutin ng mga kandidato lalo na ang incumbent ay mula sa droga para manalo at maipagtuloy ang pagpoprotekta sa sindikato ng droga sa kani-kanilang barangay.
Kapag manalo nga naman ang incumbent na hawak ng sindikato ng droga, masasayang lang ang kampanya ng Pangulo laban sa droga. Katunayan, tama naman kasi ang napaulat na ang unang nakaaalam kung sino ang mga nasa likod ng pagkakalat ng droga sa isang barangay o kung sino ang mga adik at tulak sa isang barangay, kundi ang barangay officials.
Sa ngayon, hawak na ni Pangulong DU30 ang listahan ng ilang barangay officials na nakikinabang sa droga pero hindi pa niya ibinubunyag ang mga pangalan at sa halip patuloy ang isinasagawang validation ng Philippine National Police.
Ang mga magpositibo, malamang na hindi lang “Oplan Tokhang” ang kanilang kahaharapin kapag hindi pa sila sumuko kundi, operasyon ang tutugis sa kanila. Alam ninyo na ang ibig sabihin niyan kapag isang operasyon ang kahaharapin. Malaki ang posibilidad na magresulta ito sa pagkamatay ng ilang barangay officials na protektor ng droga…ito lang naman ay kung sila ay manlaban.
Kaya tama lang na iliban muna ang halalan, hayaan muna natin tuluyang walisin ang ilegal na droga sa hanay ng barangay. Hintayin muna natin maubos, maaresto at makulong ang barangay officials na protektor upang sa gayon ang mga susunod na uupo ay malinis na.
Hintayin lang ba natin maaresto at makulong ang narco barangay officials o maubos at mapatay para siguradong malinis na sa droga ang isang barangay o komunidad?
Sa kabilang dako naman, nalungkot ang mga nais pasukin ang politika sa barangay, paano kasi nasayang ang lahat na ginawa nilang paghahanda – malaki-laki na ring pera ang kanilang inilabas sa panliligaw sa kanilang mga kabarangay.
Anyway, isang taon lang naman ang inyong hihintayin. Iba na ang panahon ngayon, sandali na lamang ang isang taon kaya, kaunting gastos pa at tiis.
Habang kayong mga narco barangay officials, tandaan niyo, markado na kayo ng PNP lalo ni Pangulong Duterte. Huwag na ninyong hintayin pang ibunyag ng pangulo ang inyong mga pangalan. Sumuko na kayo habang may pagkakataon pa.
Hindi naman linggid sa inyong kaalaman na marami-rami na ring kagawad, tanod at kapitan na sangkot sa droga…ilan nga sa kanila ay napatay na. Napatay sa operasyon habang ang ilan ay pinaniniwalaang ipinatumba ng sindikato.
Uli, kompirmado nang hindi matutuloy ang halalan sa Oktubre 31at sa halip tuloy ang paglilinis sa mga basurang barangay officials.
AKSYON AGAD – Almar Danguilan