MARIING tinutulan ni House committee on justice chairman, Rep. Reynaldo Umali ang suhestiyon na irekomenda ang pagpapasibak sa puwesto kay Sen. Leila de Lima.
Binigyan diin ni Umali, malinaw na paglabag sa inter-parliamentary courtesy ng Kamara at Senado ang suhestiyon na ito ni Kabayan Rep. Harry Roque.
Binara ni Umali ang iginigiit ni Roque na dapat irekomenda ng Justice Committee sa report nito ang pagpapatalsik kay De Lima sa Senado batay sa mga testimonya ng mga saksi, na itinuro ng ang noo’y Justice Secretary na tumanggap anila ng drug money.
Binigyan diin ni Umali, limitado lamang ang kapangyarihan ng komite na kanyang pinamumunuan sa pagpapaubaya sa Department of Justice sa magiging aksyon nito sa ano mang nilalaman ng kanilang committee report.
Maituturing aniyang bilang public document ang kanilang committee report, bagay na gagamiting basehan ng DoJ para patibayin ang kasong isinampa nito sa korte.
Bukod dito, sinabi ni Umali, kahit sa imbestigasyon ay imbitasyon lamang ang kanilang ipinaabot kay De Lima dahil hindi nila kayang puwersahin na paharapin sa komite.