CEBU CITY – Patay ang isa sa itinuturong mga suspek sa pagpatay sa dating misis ni Kerwin Espinosa na si Analou Llaguno.
Kinilala ang napatay na si Michael Lendio, 41, residente sa Brgy. Duljo Fatima, Cebu City.
Ayon kay PO3 Cristobal Geronimo, imbestigador ng Homicide Section ng Cebu City Police Office, nag-iinoman ang biktima at mga kaibigan upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan nang biglang dumating ang mga suspek na lulan ng motorsiklo at siya ay pinagbabaril.
Dagdag ni Senior Supt. Joel Doria, posibleng mga kasamahan lamang ang pumatay kay Lendio upang hindi makapagbigay ng impormasyon sakaling mahuli ng mga pulis.
Magugunitang sa inilabas na artist sketch ng mga suspek, kinompirma ng mga testigo na isa sa kanila ang napatay na si Lendio.
KASABWAT NI KERWIN SA UAE TINUTUKOY
INAALAM ni Ambassador Constancio Vingno Jr., Philippine Ambassador to United Arab Emirates kung sino-sino ang mga taong tumulong sa tinaguriang bigtime drug lord na si Kerwin Espinosa na makapagtago sa Abu Dhabi.
Ayon kay Vingno, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa ginawang pagtatago ni Espinosa sa lugar.
Dagdag niya, malaki ang posibilidad na dumaan sa backdoor channeling si Espinosa kaya hindi agad nasita hanggang sa makarating sa UAE.
Aniya, kapag wala nang ibang mga kaso sa UAE ay agad na ibabiyahe pabalik ng bansa si Espinosa.
Ngunit wala pang masabi sa eksaktong petsa kung kailan talaga ma-extradite si Espinosa.
Samantala, kinompirma ni Senior Supt. Dionardo Carlos, palipat-lipat nang pinagtaguang bansa ang Eastern Visayas drug lord bago naaresto kamakalawa ng madaling araw.