PINALITAN ng PNP ang termino nila para sa napapatay na mga drug suspect sa lehitimong anti drugs operations.
Sa inilibas na datos ng Oplan Double Barrel ng PNP kahapon, tinanggal na ang salitang “killed” at pinalitan ito ng salitang “neutralized.”
Paliwanag ni PNP spokesman, Senior Supt. Dionardo Carlos, walang intensyon ang mga pulis na patayin talaga ang target na mga drug suspect kaya hindi angkop ang terminong “killed”.
Layon aniya ng mga pulis na i-neutralized ang panganib sa kanilang buhay habang nagsasagawa ng operasyon.
Batay sa datos ng PNP mula Hulyo 1 hanggang 6:00 am kahapon, umabot na sa 1661 ang na-neutralize o napatay na drug suspect makaraan lumaban sa mga pulis.
Nasa 29,910 ang mga naaresto habang higit 746,000 drug user at pusher ang sumuko na sa mga awtoridad.
Habang 13 pulis at tatlong sundalo ang napatay habang isinasagawa ang anti-drug operations.
Samantala, 40 pulis at walong sundalo ang sugatan.