INIHAYAG ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa kahapon ang pagkaaresto sa hinihinalang drug lord na si Kerwin Espinosa sa Abu Dhabi.
Ayon kay Dela Rosa, si Espinosa ay naaresto dakong 2:00 am kahapon.
“With the help of Abu Dhabi police, just this morning 2:00 am our team arrested Kerwin Espinosa,” ayon kay Dela Rosa.
Sinabi ni Dela Rosa, nahuli si Espinosa bunga ng impormasyon mula sa overseas Filipino workers (OFWs) sa Abu Dhabi.
Si Kerwin ay anak ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, na inaresto ng pulisya kamakailan.
Sinabi ni Dela Rosa, nagpadala ang PNP ng anti-illegal drugs team sa pangunguna ni Senior Superintendent Albert Ferro para makipag-coordinate sa Abu Dhabi police sa operasyon laban sa nakababatang Espinosa.
“Hindi sila puwedeng makasali sa actual arrest kaya nag-monitor lang sila. Ang humuli talaga Abu Dhabi police,” dagdag ni Dela Rosa.
Nakipagtulungan din umano sa paghuli kay Espinosa ang interpol.
Aniya, ang team ni Ferro ay kasalukuyan pang nasa Abu Dhabi para iproseso ang mga dokumento para sa extradition kay Espinosa.
“Kung ma-process ang documents niya baka bukas puwede na siyang ibiyahe,” pahayag ng PNP chief.
Naniniwala si Dela Rosa na si Espinosa ay lumipad patungo sa Abu Dhabi mula sa Malaysia.
CASE BUILD-UP VS CENTRAL VISAYAS
NARCO-COPS LILINAW NA
CEBU CITY – Malilinawan na ang mga alegasyon laban sa mga pulis na sangkot sa ilegal na droga kasunod nang pagkakadakip sa bigtime drug lord sa Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa.
Ito ang sinabi ni Police Regional Office Director 7 Chief Supt. Noli Taliño makaraan lumabas ang balita na nadakip na si Kerwin sa Abu Dhabi.
Ayon kay Taliño, mabibigyang-linaw ang mga listahan ng mga sangkot sa ilegal na droga na ibinigay ng ama ni Kerwin na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Una nang sinabi ni Taliño bago pa man nahuli si Kerwin Espinosa, mayroong mga pulis sa Central Visayas ang na-link sa illegal drug trade at ang pagkadakip sa hinihinalang drug lord ay makatutulong sa case build-up laban sa narco-cops sa rehiyon.
HATAW News Team